Iba’t ibang patimpalak at information education campaign (IEC) ang inihanda ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente kaugnay ng pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.

Ang mga aktibidad ay isasagawa online sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Tampok ang isasagawang “Serbisyong Pambata” talk show na magsisimula bukas, ika-8 ng Nobyembre, kung saan tatalakayin ang mga usapin tulad ng pagtataguyod ng survival rights, development and participation rights at ng protection rights ng mga bata.

Ito ay mapapanood sa mga facebook page ng MSWDO, lokal na himpilan ng radyo at ng ICS sa kada araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes sa ganap na alas 10 ng umaga sa buong buwan ng Nobyembre.

“Ito ay isang information education campaign on children’s rights. Ipinasok din namin dito ang gift to children, ang purpose ay iyong mga matatanda ang mag-inform para sa mga anak nila – ‘yung child protection, dental awareness, kasama ang mga bata roon. Tapos mayroon ding family planning at state of children’s report,” lahad ni Social Welfare Assistant Angelina T. Castillo ng MSWDO.

Aniya, may mga patimpalak ding inihanda ang lokal na pamahalaan upang maitampok ang talento ng mga bata sa pagguhit, pagkanta at pagsayaw bilang bahagi ng Batang Bright Competition.

Ang Draw and Tell contest at Palit-Awit competition ay para sa mga batang may edad 30 hanggang 59 na buwan na nakatala sa Child Development Center o DayCare Center sa mga barangay.

Samantala, ang mga pre-schoolers edad 5 hanggang 6 na taong gulang na nag-aaral sa pribado o pampublikong pre-school ay maaari namang sumali sa Sing and Dance Competition.

“Ang entry sa mga patimpalak na ito ay magiging by school. Bawat school ay may isang entry sila,” ani Bb. Castillo.

Ang entry submission ay hanggang sa ika-25 ng Nobyembre. Kabilang din sa mga aktibidad na inihanda ang pagkilala sa Best Barangay Council for the Protection of the Children, Best BCPC Focal/VAWC Officer at Best Child Development Workers.

Ang pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong taon ay may temang “New Normal na Walang Iwanan: Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan.”

Alinsunod ang pagdiriwang nito sa Batas Republika Bilang 10661 o ang National Children’s Month Act.