san-vicente-palawan-municipal-tourism-set-to-open-additional-tourist-attractions

Target ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente na magbukas ng karagdagang mga atraksyong panturismo sa mga barangay upang makahikayat ng mas maraming turista.
Sa kabila ng pandemyang nararanasan, abala ang Office of the Municipal Tourism sa ngayon sa product development kung saan plano nilang paunlarin ang mga atraksyon sa mga barangay bilang karagdagang destinasyon na pagpipilian ng mga turistang pumupunta sa San Vicente na kilala sa 14 kilometrong white-sand beach at magagandang isla.
“Sabi ni Mayor [Amy R. Alvarez] every barangay dapat may destination. Nakipag-usap [at] actually nagbara-barangay na kami… ngayon ay busy kami with this product development,” saad ni Municipal Tourism Officer Lucylyn F. Panagsagan.
Aniya, maraming potensyal na mga atraksyon sa mga barangay na kahuhumalingan ng mga bumibisitang turista tulad na lamang ng Bgy. Caruray na mayaman sa mga waterfalls.
Dagdag pa niya, tapos na silang magsagawa ng sites identification at nasa huling bahagi na ng ocular inspection. Nagsasagawa na rin sila ng concept development ng bawat atrasyon.
Kabilang sa mga potensyal na atraksyong ito ang Batakano Eco-park, Benesak Waterfalls at Maria Cristina Waterfalls sa Bgy. Poblacion, Mangrove area sa Bgy. New Agutaya, mga beach hotels sa Bgy. San Isidro at Pakpak Lawin Falls at Nikko Falls sa Bgy. Port Barton.

san-vicente-palawan-municipal-tourism-set-to-open-additional-tourist-attractions

Ilan pa rito ay ang Tandol at Tribal Center sa Bgy. Alimanguan, Secret Beach sa Bgy. Sto. Niño, Pugadlawin Waterfalls at Tandol Beach sa Bgy. New Canipo, Masinloc at Kataw-an Falls sa Bgy. Kemdeng, mangrove area, sitio Gawid, at ang humigit kumulang limang waterfalls sa Bgy. Caruray.
Kasabay ng implementasyon ng proyektong ito ang pagpapalakas sa mga residente ng komunidad bilang bahagi ng pagpapaunlad ng turismo sa mga barangay. Ito ay sa pamamagitan ng mga pagsasanay patungkol sa community-based management, community tour guiding at iba pa.
“Ang magiging concept nito is that we will be empowering our community to manage,” ani Municipal Tourism Officer.
Bahagi rin ng proyekto ang pagpapaunlad sa food tourism kung saan nais na ipakilala ang lamayo bilang pangunahing produkto na maaaring bilhin ng mga turista bilang pasalubong mula sa San Vicente.
“Sa malao’t madali, may hangganan din ang kasalukuyang pandemya, at magbubukas din muli ang industriya ng turismo hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo at sa panahon na iyon ay titiyakin natin na handa na ang bayan ng San Vicente para sa pagtanggap ng ating mga turista,” wika ni Panagsagan.