san-vicente-palawan-elcac-at-alimanguan

Sumasailalim ang mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang sektor ng Bgy. Alimanguan sa tatlong araw na Enhanced Barangay Development Plan Orientation and Workshop.

Ito ay sa pangunguna ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Marine Battalion Landing Team 3 (MBLT-3) at ng Pamahalaang Barangay.

Ang aktibidad na nagsimula kahapon, Abril 6, ay naglalayong bumuo ng limang taong pangkaunlarang plano para sa naturang barangay bilang bahagi ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa ilalim ng Executive Order No. 70.

Sa mensahe ng opisyal ng DILG, tinuran niya na ang pinalakas na programang ito ay nagtataglay ng estratihiyang “whole of the nation approach” o ang pagbuklurin ang mga mamamayan upang maging kabalikat ng pamahalaan sa pagsusulong ng kaunlaran sa lipunan.

“Ating pag-uusapan ang iba’t ibang larangan ng pag-unlad, mga suliranin, mga pangarap ng bawat isa, mga adhikain na kung saan ay tutugon sa pang-ekonomiya, panlipunan, pampolitikal, panrelihiyon at iba’t iba pang larangan ng pamamahala na mapaunlad ito upang sa gayon gating barangay ay maging bahagi ng pagbabago sa buong bansa,” ani Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue.

Aniya, layon ng Executive Order No. 70 na manyutralisa ang mga barangay na lehitimong naimpluwensyahan ng mga makakaliwang grupo tungo sa pagsasakatuparan ng mapayapang pagbabago.

“Ang estratihiyang ito ay hindi tuwirang makikipag-away sa kanila bagkus ay mag-iimbita sa kanila – sa ating pinagsama-samang kakayanan at kaalaman ay nais nating sila ay manumbalik sa yakap ng ating konstitusyon,” dagdag pa ni Dangue.

san-vicente-palawan-elcac-at-alimanguan
san-vicente-palawan-elcac-at-alimanguan

Kinilala naman ni Punong Barangay Cesar M. Caballero, Sr. ang kahalagahan ng naturang aktibidad upang tuluyang wakasan ang terorismo sa kanilang barangay.

“Lahat ng plano doon natin ilalagay. Lahat ng ating concern sa barangay doon po natin ilalagay para po iyan ang ating gabay bilang namumuno sa ating barangay ‘yun po ang aming magiging basehan sa loob ng limang taon,” sabi ng kapitan ng Bgy. Alimanguan.

Hinikayat naman ni Indigenous People’s Mandatory Representative Reynaldo Rodriguez ang kapwa mga katutubo na makiisa sa isinasagawang pagpapaplano upang mabigyang solusyon ang mga kinakaharap na suliranin ng naturang sektor.

“Ito ang panahon para mailabas natin sa workshop na ito [kung] ano ang ating problema, ano ang magiging plano natin sa ating problema para masolusyunan,” saad ng IPMR.

Tampok sa naturang aktibidad ang serye ng workshop na tutukoy sa mga programa, proyekto at aktibidad na magpapaunlad sa sektor ng imprastraktura, kapaligiran, institusyunal, ekonomiya at panlipunan.

Nauna nang nagsagawa ng katulad na gawain sa Barangay Caruray, Kemdeng at Sto. Niño.