
Pinanatili ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) bilang requirement ng mga biyaherong pauwi o tumutungo ng bayan ng San Vicente ang negatibong resulta ng rapid antigen test. Ito ay batay sa napagkasunduan sa ginanap na virtual na pagpupulong ng MIATF noong araw ng Lunes, Hunyo 28.
Naniniwala ang MIATF na ang hakbang na ito ay mahalaga upang malimitahan sa “essential travel” lamang ang dahilan ng paglabas at pagpasok ng mga residente habang ang munisipyo ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine.
Simula nang maipatupad, malaki ang naitulong nito upang maayos na mapamahalaan ang sitwasyon ng COVID-19 sa mga barangay.
Ang MIATF Resolution No. 06-02 na epektibo noon pang Hunyo 16 ay nagtatakda na ang mga biyaherong tutungo sa San Vicente ay kinakailangang magpakita ng negatibong resulta ng antigen test maliban na lamang kung ito ay balikang biyahe mula sa San Vicente.

Sa pamamagitan ng isang resolusyon ay hihilingin din ng MIATF sa Sangguniang Bayan ng San Vicente na ibaba sa Php600 ang presyo ng rapid antigen test para sa mga residente mula sa kasalukuyang presyo nito na Php800. Samantalang mananatili sa Php1,500 ang presyo nito para sa mga non-residents batay sa Municipal Ordinance No. 1, Series of 2021.
Isa rin sa mga paraang tinitingnan ngayon ng MIATF na isagawa na lamang sa mga Barangay Health Stations ang antigen testing ng mga biyaherong pauwi ng San Vicente upang sila ay makatipid.
Sa kasalukuyan ay libre ang antigen testing para sa mga mahihirap na residente, van at e-trike drivers at mga essential workers.