san-vicente-palawan-mgc-building

Inaprubahan ni Mayor Amy Roa Alvarez kamakailan ang ordinansa na magkakaloob ng monetary allowance sa mga kinatawan ng Civil Society Organization (CSO) sa Local Special Bodies (LSB) ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Mayroong halagang P2, 000 ang itinatakda ng Ordinance No. 12, Series of 2021 na matatanggap ng kinatawan ng isang CSO sa tuwing ito ay personal na dadalo sa isasagawang pagpupulong.

Base sa guidelines ng ordinansa, dapat na accredited ng Sangguniang Bayan ang kinabibilangang CSO at ang kanilang membership sa isang LSB ay nakasaad sa isang executive order na ipinalabas ng Alkalde.

Kung hindi makadadalo ang presidente o chairperson ng CSO, ang sinumang opisyal nito ay dapat na may Authorization na pirmado ng kanilang pinuno o ng karamihan sa kanilang mga opisyal.

Ang pagbibigay ng monetary allowance ay naglalayong makatulong sa travel expenses ng mga ito tulad ng pagkain, pamasahe at iba pa tuwing sila ay makikibahagi sa isang opisyal na pulong.

Ito rin ay bilang pagkilala sa kanilang aktibong pakikiisa sa mga isinasagawang pagpaplano at pagtataguyod ng mga programa tungo sa isang maunlad na bayan.

“Matagal na nating katuwang ang ating mga CSO pagdating sa mga pagpaplano at maging sa pagtataguyod ng ating mga programa. ‘Yung kanilang presensiya sa mga pulong ay malaking bahagi dahil sa mga ideya at kaalaman na kanilang naibabahagi sa ating lokal na pagpaplano para sa kaunlaran ng bayan,” ani Mayor Alvarez.

Nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang ordinansa noong ika-29 ng Hunyo.