san-vicente-palawan-micro-grid-hybrid-power-system-albaguen

“By December, 24 hours na ang inyong suga” ito ang pangakong binitawan ni Mayor Amy Roa Alvarez noong ikalawa ng Setyembre sa lahat ng dumalo sa Ground Breaking Ceremony ng proyekto. Ito ay natupad na ngayong araw, ika-11 ng Disyembre 2020 sa pagpapasinaya ng Albaguen Micro-Grid Hybrid Power System sa isla ng Albaguen, Bgy. Port Barton, Bayan ng San Vicente, Palawan.

san-vicente-palawan-micro-grid-hybrid-power-system-albaguen

Ayon kay Gg. Antero “Yoyun” Rebueno, Senior Project Officer, ng Pilipinas Shell Foundation Inc., ang itinayo sa Sitio Albaguen ay isang hybrid power system na Magbibigay ng 24-oras na elektrisidad sa buong komunidad. Ayon pa kay Rebueno, sa mga panahon na walang araw at hangin, ang back-up diesel generator ay automatikong aandar at patatakbuhin nito ang buong Sistema habang kinakargahan ang mga baterya.

san-vicente-palawan-micro-grid-hybrid-power-system-albaguen

Kasama sa pagpapasinaya ang panunumpa ng mga bagong napiling opisyales ng asosasyon na siyang mamamahala sa pagpapatakbo ng Microgrid Power System sa isla.
Bagama’t ang proyekto ay ipinagkaloob na libre o “grant” ng PSFI at ng LGU-San Vicente, nilinaw naman na hindi libre ang kuryenteng makukunsumo, kundi may minimum na babayarang halaga na 300 pesos kada buwan para sa makunsumong kuryente na hindi lalagpas sa 3kW at dagdag na P15 sa bawat 1kW na lalagpas sa minimum sa bawat bahay.

Ang buwanang masisingil naman ng asosasyon sa kunsomo ng kuryente ay magiging bahagi ng pang-araw-araw na operasyon ng Microgrid tulad ng pambili ng krudo para sa generator set, pasuweldo sa mga empleyado nito, pagmamantene ng mga pasilidad at iba pang bahagi ng operasyon.

san-vicente-palawan-micro-grid-hybrid-power-system-albaguen

Ang Albaguen Hybrid Microgrid Project ay isa sa pitong (7) proyekto na ginawa sa Probinsya ng Palawan sa pamamagitan ng Access To Energy (A2E) project under the Save, Invest, Nurture Access to Green Energy (SINAG) programme ng PFSI.

Nilalayon ng SINAG na tulungan ang mga maliliit na pamayanan na hindi pa naaabot o nakakonekta sa pangunahing mga grid ng kuryente, kabilang ang maraming komunidad ng mangingisda sa mga isla katulad ng Albaguen Island.

san-vicente-palawan-micro-grid-hybrid-power-system-albaguen

Ang Access to Energy project dito sa San Vicente ay ipinatupad ng PSFI sa pakikipagtulungan ng LGU-San Vicente at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.