san-vicente-palawan-new-travel-guidelines

Pangunahing kailangan na ang negatibong resulta ng antigen test sa pagbiyahe palabas o papasok ng Bayan ng San Vicente base sa inilabas na Resolution No. 06-01, series of 2021 ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF).
Ang mga residenteng nagbabalak bumiyahe patungo sa ibang munisipyo o lungsod ay dapat na sumailalim sa antigen test bago ang nakatakdang biyahe. Kinakailangan din nilang magpresenta ng katibayan ng pagkakakilanlan, travel pass kung saan nakalagay ang petsa at destinasyon, at magtala ng pangalan sa manipesto ng mga pasahero.
Negatibong resulta ng antigen test at health clearance mula sa Barangay Health Center na pinagmulan ang kinakailangan para sa mga uuwing residente. Kasama rin dito ang katibayan ng pagkakakilanlan, pagtala ng pangalan sa manipesto at kopya ng travel pass.
Hindi naman papayagang makapasok ng San Vicente ang mga residente o biyaherong magmumula sa mga ideneklarang critical zones.
Ang mga manggagawa na naghahatid ng pangunahing pangangailangan (delivery of essential goods) kabilang ang online shopping delivery ay dapat na kumuha ng pass slip mula sa Municipal Economic Enterprise and Development Authority (MEEDO). Kailangan din ng valid o company ID at ng health clearance mula sa barangay na pinagmulan kung maglalagi ng isang gabi.
Ang pagbabago sa panuntunan ng pagbiyahe ay bahagi ng mga patakarang ipinatutupad upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa munisipyo. Ito ay epektibo ngayong araw, ika-4 ng Hunyo.
Pinananatili naman ang mga travel requirements para sa mga empleyado ng pamahalaan, authorized persons outside residence (APOR) at locally stranded individuals (LSI).
Kinakailangan lamang ng mga empleyadong may opisyal na lakad sa ibang lugar na magpakita ng government ID at aprubadong travel order. Dapat din silang sumailalim sa antigen test pagkatapos ng limang araw ng pagbalik.
Ang mga APOR na papasok sa munsipyo ay dapat na mayroong aprubadong travel order, valid ID o company ID, negatibong antigen kung mula sa lalawigan at negatibong RT-PCR kung magmumula sa labas ng Palawan.
Ang mga LSI at Returning OFWs ay kinakailangang mayroong negatibong resulta ng RT-PCR. Sasailalim pa rin ang mga ito sa pitong araw na facility-based quarantine sa pagdating sa munisipyo. Sasailalim rin sila sa antigen test sa ika-pitong araw.

san-vicente-palawan-new-travel-guidelines