Nakatakdang higpitan ang pagpapatupad ng mga panuntunan may kinalaman sa COVID-19 sa Barangay Alimanguan at Barangay Sto. Niño ngayong may naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa munisipyo.

Ito ang isa sa mga naging sentro ng usapin sa isinagawang virtual na pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ngayong araw ng Lunes, Oktubre 6.

Kabilang sa isasagawang paghihigpit ang paglalagay ng mga checkpoints at pagsasagawa ng roving sa piling bahagi ng dalawang barangay upang mabantayan ang galaw ng mga taong sumasailalim sa home quarantine.

Hiniling din ng MIATF ang tulong ng mga uniformed personnel o bumubuo ng COVID Shield upang madagdagan ang puwersa ng mga magbabantay sa itatalagang checkpoints.

Napag-usapan din sa pagpupulong ang paglilipat ng quarantine checkpoint (QCP) mula sa Purok 8 ng Barangay Alimanguan papunta sa Canadgan Crossing. Hihigpitan din ito upang walang makapasok na positibo sa naturang sakit. Inatasan din ni Mayor Amy Roa Alvarez ang COVID Shield na paigtingin ang pagmonitor sa iba pang QCP.

Ang Barangay Alimanguan at Sto. Niño ang nangunguna sa may pinakamataas na aktibong kaso ng COVID-19 na mayroong 38 at 25, ayon sa pagkakasunod-sunod, batay sa datos ng Municipal Health Office (MHO) kahapon, Oktubre 5.

Mataas din ang bilang ng mga closed contact na pinayuhang sumasailalim sa home quarantine sa naturang mga barangay upang maiwasan ang patuloy na hawaan.

Sa kasalukuyan ay may kabuuang 101 bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 ang San Vicente kung saan 49 rito ang naitala sa loob lamang ng limang araw o noong ika-1 hanggang ika-5 ng Oktubre.

Iniulat din ni Dr. Mercy Grace S. Pablico, hepe ng MHO, na nasa 80 porsyento nang okupado ang Ligtas COVID Facility na nagsisilbing isolation facility sa munisipyo.

Samantala, kung hindi pa rin mapipigilan ang patuloy na pagtaas ng aktibong kaso sa dalawang barangay sa kabila ng isasagawang paghihigpit ay maaaring humantong ito sa pagpapatupad na ng granular lockdown sa naturang barangay.

Patuloy naman ang pamamahagi ng food packs ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa mga sumasailalim sa home quarantine sa mga barangay.

Hiniling din ni Mayor Alvarez sa mga Punong Barangay ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards kabilang ang pagsusuot ng facemask at social distancing.