san-vicente-palawan-miatf-recommendations-regarding-free-antigen-tests

Inihayag ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19 sa pamamagitan ng isang resolusyon sa Sangguniang Bayan ang ilang rekomendasyon nito sa pagsasagawa ng libreng rapid antigen test para sa mga biyaherong umuuwi ng bayan ng San Vicente.

Kasabay ito ng hindi paglagda ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Ordinance No. 17, Series of 2021 upang maikonsidera ang ilang mahahalagang suhestiyon ng MIATF para sa epektibong pamamahala ng mga biyahero. Ang ordinansa ay nagpapatungkol sa suspensyon ng pagkolekta ng bayad para sa pagsasagawa ng antigen test sa mga kwalipikadong residente na may mahalagang biyahe.

Binigyang linaw ng Alkalde na libre ang antigen testing para sa mga nangangailangang indibidwal na may mahalagang biyahe simula pa noong ipinatupad ng munisipyo ang polisiyang naniniguro na walang COVID-19 ang makakapasok sa Bayan.

Inirerekomenda ng MIATF Resolution No. 07-01 na limitahan lamang sa mga mahalaga at emergency ang mga papayagang makapagbiyahe alinsunod sa implementasyon ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Munisipyo.

Inirerekomenda rin ng resolusyon na ihanay sa indigent at non-indigent lamang ang mga residente sa pagkilala kung sino ang kwalipikado sa libreng antigen test sa halip ng nakalilitong klasipikasyon.

Ang isang mahirap (indigent) na indibidwal na mayroong mahalagang transaksyon sa labas ng munisipyo o mayroong emergency ay patuloy na makakatanggap ng prebilihiyong ito.

Samantalang nakadepende sa transaksyon ng isang non-indigent na residente kung ito ay makakakuha ng libreng antigen test.

Ilan sa mga tinukoy ng resolusyon ng MIATF na mahahalagang biyahe ay ang transaksyon sa bangko, sa eskwelahan at sa mga opisina ng gobyerno, trabaho, medikal, renewal ng mga lisensya, paghahatid ng pangunahing pangangailangan, pagdulog sa korte at ang opisyal at pribadong lakad ng mga kawani ng gobyerno.

Ang naturang mga rekomendasyon ay naglalayong maiwasan na mahikayat ang nakararami na lumabas ng San Vicente kahit na hindi mahalaga ang dahilan ng kanilang pagbiyahe.

Ito’y upang hindi agad maubos ang antigen na nakalaan din para sa mga close contacts ng nagpositibo at health front-liners.

Sa kasalukuyan, pangunahing requirement ang negatibong resulta ng rapid antigen testing ng mga biyaherong umuuwi o tumutungo ng San Vicente batay sa MIATF Resolution No. 06-02, series of 2021. Ito ay isang preventive measure upang masiguro na mainam na napangangasiwaan ang sitwasyon ng COVID-19 sa Munisipyo.

san-vicente-palawan-miatf-recommendations-regarding-free-antigen-tests
san-vicente-palawan-miatf-recommendations-regarding-free-antigen-tests