san-vicente-palawan-municipal-iatf-discuss-travel-guidelines

Hiniling ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ang kooperasyon ng mga residente ng San Vicente para sa epektibong pagpapatupad ng mga panuntunan sa pagbiyahe at pagpapanatili ng maayos na pamamahala ng kaso ng COVID-19 sa munisipyo.
Noong sabado, ika-1 ng Mayo, ay nagsagawa ang MIATF ng pagpupulong sa Bgy. New Canipo at Bgy. Binga patungkol sa mga panuntunang ipinaiiral sa pagbyahe sa munisipyo ngayong panahon na may naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ibang bahagi ng lalawigan at lungsod. Ito ay dinaluhan ng mga opisyales at lider ng barangay, nagmamay-ari ng mga tindahan at bangka, at iba pa.
Sa pagpupulong ay ganap na ipinauwa sa bawat isa ang nilalaman ng binuong travel guidelines at ang layunin ng mahigpit na pagpapatupad nito.
Sa naturang panuntunan ay kinakailangan ng mga byaherong namalagi sa labas ng munisipyo ng higit sa dalawang araw na magpakita ng negatibong resulta ng antigen test bago makapasok o makauwi ng San Vicente. Samantalang negatibong resulta ng RT-PCR naman ang kinakailangan kung ito ay locally stranded individual, o returning OFW.
Binigyang diin naman ng MIATF na ito ay bahagi lamang ng pag-iingat at pagpapanatili ng mababang kaso ng COVID-19 sa munisipyo.
“Naglalayon ang mga patakarang ito na mailayo tayo sa masamang epekto ng COVID-19,” saad ni Incident Commander Rustico Dangue. “[Ito ay] upang mapanatili natin na ang sitwasyon sa bayan ng San Vicente ay maging manageable – meaning to say maging magaan sa bawat isa, kontrolado ang sitwasyon.”
Iniulat din ng naturang task force ang kasalukuyang sitwasyon ng San Vicente at lalawigan sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Hiniling din ng MIATF sa mga dumalo na ipagbigay alam sa opisina ng barangay kung may kahina-hinalang bangka na dumaraong sa dalampasigan na maaaring galing sa ibang bahagi ng lalawigan.
Upang magkaroon ng kaisahan sa pag-unawa sa mga panuntunan, naglaan din ng oras ang MIATF na sagutin ang mga katanungan at agam-agam ng mga dumalo sa pagpupulong.
Ipinaliwag din ng MIATF na ang mga panuntunang ito ay pansamantala lamang at luluwagan sakaling magkaroon ng positibong pagbabago sa kaso ng COVID-19 sa lalawigan at lungsod.