san-vicente-palawan-municipal-iatf-open-forum-1

Pinulong ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19 kahapon, Abril 20, ang mga tagapagpatupad ng batas upang bigyang kaalaman ang mga ito sa nilalaman ng pinakabagong alituntuning inilabas ng una na nagtatakda ng mga requirements sa mga lalabas at papasok ng munisipyo.

Ngayong araw, Abril 21, ang simula ng implementasyon ng MIATF Resolution No. 0402-2021-A na pansamantalang nagbabawal sa pagpasok sa munisipyo ng mga residente at indibidwal na magmumula sa mga lugar na idineklarang critical zone.

Ang resolusyon ay naglalaman din ng travel requirements para sa mga lalabas at papasok na residente, turista, empleyado ng pamahalaan, locally stranded individual, returning OFWs, at authorized person outside residents.

Dumalo sa isinagawang pagpupulong ang mga nagbabantay sa mga quarantine checkpoints ng San Vicente at iba pang frontliners na tumutugon sa mga katanungan ng mga miyembro ng kumunidad.

Dito ay nagkaroon ng pag-uulat at talakayan patungkol sa mahahalagang impormasyong nakapaloob sa resolusyon at gampanin ng bawat law enforcers nang sa gayon ay magkaroon ng ganap na kaalaman ang bawat isa at kaisahan sa implementasyon ng polisiya.

san-vicente-palawan-municipal-iatf-open-forum-2

“Napakahalaga na ang ating mga frontliners – ‘yung mga tinatawag nating nasa law enforcement services – ay may matibay na pang-unawa at pagkakaalam kung ano nga ba ang purpose ng batas na ipinapatupad kapag siya ay gumawa na ng kanyang katungkulan,” paliwanag ni Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue sa pagsisimula ng Travel Restrictions Regulation Forum na isinagawa sa Municipal Gymnasium.

Aniya, mahalaga na ang mga nagpapatupad ng batas ay may kakayahang magsagawa ng “discretionary power” at maipaliwanag nang maayos ang mga alituntunin sa mga nagtatanong na miyembro ng kumunidad.

“Nais natin na ang nasa ating law enforcement services ay truly empowered. Meaning to say, kaya nilang gampanan ang kanilang katungkulan – kaya nila ipatupad ang mga batas na iniaatang sa kanila. Kaya nilang gumawa ng tinatawag nating discretionary action,” ani MLGOO Dangue.

“Kaya niya ring gumawa ng sariling desisyon na kung saan ay hindi magiging disadvantageous sa bahagi ng mamamayang sumusunod at hindi rin disadvantageous sa bahagi ng pamahalaang nagpapatupad nito,” dagdag pa niya.
Ikinonsedera rin sa pagpupulong ang iba’t ibang senaryo at sitwasyon na maaaring mangyari at kung paano ito tutugunan ng mga tagapagpatupad ng alituntunin may kinalaman sa pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.