Iba’t ibang mga serbisyo ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente at mga aktibidad ang nakatakdang ganapin sa mga barangay kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Katutubo o Indigenous People’s Month ngayong Oktubre.

Ilan sa mga isasagawang aktibidad sa mga barangay ang cultural presentation kung saan ibibida ang mayamang kultura at tradisyon ng mga katutubo. Magsasagawa rin ng rehistrasyon para sa birth certificate na pangungunahan ng Municipal Civil Registrar Office at ang pag-issue ng Municipal Identification Card katuwang naman ang Human Resource Management Office.

Magsasagawa rin ng tribal wedding sa piling mga barangay para sa mga Tagbanua. Ito at ang iba pang aktibidad at serbisyo para sa naturang pagdiriwang ay sisimulang gawin sa mga barangay sa ika-20 ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Ang pagdiriwang ay pamamahalaan ng Office of the Indigenous People’s Mandatory Representative at ng Office of the Municipal Mayor.

Layon ng pagdiriwang na mapagtibay ang tiwala ng mga katutubo at mahikayat ang mga ito na maging aktibo sa pakikibahagi at pagsuporta sa mga programa at proyektong itinataguyod ng lokal na pamahalaan ng San Vicente. Ito rin ay bilang pagkilala sa mga katutubong mamamayan ng San Vicente na kinabibilangan ng Agutaynen, Cuyunon at Tagbanua.

Ang pagdiriwang ng Indigenous People’s Month ay bilang pagtalima sa Presidential Proclamation No. 1906 na inilabas noong taong 2009 at sa Municipal Ordinance No. 19, Series of 2021 na nagdedeklara sa ikasampung buwan ng bawat taon bilang Indigenous People’s (IP) month sa munisipyo.