Upang matulungang makabangon sa epektong dulot ng COVID-19, nagdesisyon si Mayor Amy Roa Alvarez na payagan nang tumanggap ng mga turista ang mga Safety Seal-Certified na tourism accommodation sa bayan ng San Vicente.

Ang desisyon ay nabuo matapos talakayin ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ang bagong panuntunan sa pagbiyahe sa virtual na pagpupulong kamakailan.

“I am going to bend for the other smaller enterprises here. The safety seal [certification] should be okay,” pahayag ng pagsuporta ni Mayor Alvarez sa mga maliiit na tourism accommodations.

Ang Safety Seal ay iginagawad sa isang pampubliko o pribadong establisyemento na sumusunod sa minimum health standards na ipinapatupad ng gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ang hakbang na ito ay kaugnay ng muling pagpapasigla ng industriya ng lokal na turismo at ng ekonomiya sa munisipyo.

Pagpapatuloy pa ng Alkalde, “Kailangan na natin i-start ang ekonomiya rito and we are giving an opportunity naman. We are very stringent already but I suggest that as an LGU we lean already towards making life a little easier for our constituents especially those that have had enterprises or accommodations prior to TIEZA requirements.”

Ito ay bilang pagtugon at pagkilala ng Alkalde sa panawagan ng mga maliliit na negosyante na patuloy na nakikibahagi sa pagpapaunlad ng turismo sa kabila ng pandemya.

“These are small resorts anyway, it’s not going to hurt anybody. I don’t think that it will be a crazy competition… there’s only few of these people that have downgraded [their accommodations]. Let’s just give them helping hand also, kasi kawawa na rin ang mga tao, everyone is hungry already,” dagdag pa niya.

Samantala, napagkasunduan sa pagpupulong ng MIATF na panatilihing requirement para sa mga turistang magmumula sa labas ng Palawan ang negatibong resulta ng RT-PCR test.

Ang mga fully vaccinated na lokal na turista o mula lamang sa ibang munisipyo ng Palawan ay hindi na kinakailangan pang magpakita ng negatibong resulta ng rapid antigen test.

Irerekomenda rin ng MIATF sa Sangguniang Bayan na gawing P600 na lamang ang halaga ng rapid antigen test pareho para sa mga residente at turista.

Paiigtingin din ang pagsunod sa minimum public health standards at kinakailangan na “properly coordinated” ang pagpasok ng mga turista sa munisipyo ng San Vicente.