Maraming mga residente ang tumungo sa Bgy. New Agutaya Gymnasium upang magpaturok ng bakuna kontra COVID-19 ngayong huling araw ng National Vaccination Days na itinakda ng Pamahalaang Nasyunal.

Nakibahagi rito ang mga kabataang may edad 12 hanggang 17 at maging ang mga edad 18 pataas.

Isa sa mga pumila upang tumanggap ng unang dose ng bakuna si G. Joel Marbibi ng Bgy. New Agutaya. Aniya, nais niyang magpabakuna upang magkaroon ng proteksyon at depensa laban sa COVID-19 na maaari niyang makuha sa trabaho at pagbibiyahe.

“Depensa rin sa oras na magtrabaho ka at magbiyahe kasi kailangan iyan, e. Dagdag proteksyon ko rin ito [kontra] sa COVID,” ayon kay G. Marbibi.

Ikinatuwa rin ng Barangay New Agutaya ang nasaksihang bilang ng kanilang mga residente na matiyagang pumila sa naturang vaccination venue.

Upang mas mapabilis ang pagbabakuna, ilan sa mga pumilang residente ang inihatid sa San Vicente District Hospital upang doon maturukan.

“Nagpapasalamat po ang Barangay Officials sa mga tao na willing na rin silang magpavaccine. Kailangan na rin talaga ito sa kanilang kalusugan lalo at may [napababalita] na namang bagong variant ng COVID,” ani Punong Barangay Norlita Zabalo.

Ang National Vaccination Days sa bayan ng San Vicente ay pinangungunahan ng Municipal Health Office, San Vicente District Hospital at mga barangay.

Isinagawa ito sa Sto. Niño Gymnasium, Centro Caruray at Gawid Caruray noong ika-29 ng Nobyembre at Poblacion Gymnasium at San Isidro Gymnasium naman kahapon, ika-30 ng Nobyembre.

Kasabay naman ngayong araw ang pagbabakuna sa Barangay Alimanguan. Ang San Vicente District Hospital ay tatlong araw ring tumanggap ng mga residenteng magpapabakuna.

Tiniyak din na nasusunod ang minimum public health standards sa isinasagawang malawakang pagbabakuna tulad ng pagsusuot ng facemask at social distancing.