Bilang bahagi ng pagtataguyod ng pangkalahatang kaunlaran sa bayan ng San Vicente, tiniyak ni Mayor Alvarez na mas mapalalakas pa ang kakayahan ng mga barangay at purok sa pamamagitan ng mas malaking alokasyon ng pondo para sa kanila sa taong 2022. Ito ay upang maisakatuparan ang mga pinapangarap nilang programa at proyekto na hindi naisagawa noon dahil sa hindi paglaan ng pondo ng nakalipas na pamunuan.

Isinumite ni Mayor Amy Alvarez ang 2022 Annual Budget na may kabuuang halaga na P562.9 Milyon sa Sangguniang Bayan noong ika-15 ng Oktubre 2021.

Napapaloob dito ang P72 Milyon para sa pagpapatuloy ng Barangay Renewal and Restoration Program o BRRP o ang programang naglalayong isulong ang kaunlaran sa bawat barangay pamamagitan ng pagtatayo ng mga gusali , kalsada, tulay, streetlights, water supply systems at iba pa na nakabatay sa kanilang pangangailangan. Kasama dito ang pagbili ng lupa ng syang pagtatayuan ng mga nasabing proyekto.

Mula sa P3 Milyon na alokasyon sa bawat barangay ay itinaas ito sa P5 Milyon sa ilalim din ng BRRProgram.

“Nakikita at nararamdam ko ang pangangailangan ng ating mga barangay lalo’t alam ko na mababa lang ang kanilang pondo galing sa Internal Revenue Allotment (IRA). Hindi natin hahayaan na makita silang nahihirapan samantalang may sapat na pondo naman para kanilang pangangailangan,” saad ni Mayor Alvarez.

Dahil sa BRRP, ang mga barangay ng New Canipo, New Agutaya, Caruray at Kemdeng ay matagumpay na nakabili ng lupa na pagtatayuan ng mga pangunahing gusali sa barangay para sa mas mabilis at epektibong pagbibigay serbisyo.

Upang masiguro ang seguridad at kapayapaan ng ating mga residente, ay minabuti din na bumili ng lupa para sa pagpapagawa ng Law Enforcement Detachment Unit sa magkabilang dulong barangay, sa Barangay Binga at Caruray.

Para naman sa ating 87 na Sitio o Purok, inilunsad sa nasabing Annual Budget ang SPED Program o ang Sitio-Purok Economic Development Program na naglalaan ng ISANG-DAANG LIBONG PISONG (P100,000.00) pondo sa bawat sitio o purok para sa pagtataguyod ng kanilang matutukoy na development programs and projects.

Layunin ng SPED Program na bigyan ng pagkakataon na maging kabahagi sa pagpaplano ang mga organisasyon sa bawat sektor sa komunidad para sa mas komprehensibong paglikha ng development plan ng barangay at munisipyo. May insentibo ring inilaan para sa mga aktibong opisyal ng bawat sektor tulad ng nakatatanda, kababaihan, kabataan, magsasaka, nangingisda at katutubo.

Naniniwala ako sa bottom-up approach pagdating sa pagpili ng mga projects sa mga sitio at purok. Kaya palalakasin natin ang mga ito at pupunduhan ang kanilang mga napiling proyekto,” ayon kay Mayor Alvarez.

P113 Milyon ang kabuuang inilaan para sa direkta at aktuwal na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga barangay na kinabibilangan ng mga nasabing programa. Kasama na ang para sa kapakapakan ng ating mga mamamayan, kabataan, mekanisasyon ng agrikultura at pangingisda, pagsasa-ayos ng patubig at kuryente para sa lahat, at pagpapaunlad ng ating labor force.

Ang programang BRRP at SPED ay nasa ilalim ng P177.8 Milyong Development Programs and Projects ng Munisipyo. Napapaloob din dito ang mga sumusunod:

– i-CARE Program o Integrated COVID-19 Aid and Restarting the Economy

– Investments on Social Welfare

– Youth and Manpower Development

– Agriculture and Fisheries Mechanization Program

– Investments under Water and Sanitation for All Program

– LGU Assets Management Program

– Ipasa ang Liwanag Program.