san-vicente-palawan-travel-guidelines-discussion-at-bgy-caruray-and-port-barton

Tumungo ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ng San Vicente sa Barangay Port Barton noong araw ng Sabado, Abril 24, at Barangay Caruray noong Linggo, Abril 25, upang ibahagi at talakayin ang umiiral na panuntunan sa pagbiyahe sa munisipyo ngayong may naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan at lungsod.
Ang pagpupulong ay isinagawa upang mabigyan ng kaalaman at ganap na maipaunawa sa mga kinauukulan ang dahilan ng paghihigpit sa paglabas at pagpasok ng munisipyo batay sa inaprubahang MIATF Resolution No. 0402-2021-A na naglalaman ng mga kinakailangang dokumento sa pagbiyahe.
Ang Travel Restriction Guidelines Forum ay dinaluhan ng mga opisyal ng barangay, mga namumuno sa purok at sitio, mga nagbabantay sa quarantine checkpoints, uniformed personnel, mga mangingisda, mga nagmamay-ari ng tourism-related establishments at van at boat operators.
Sa pulong ay hiniling ng MIATF ang pakikipagtulungan ng bawat isa sa pagpapatupad ng mga panuntunan upang maiwasan ang pagkalat at hawaan ng COVID-19 sa mga nasasakupang barangay.

san-vicente-palawan-travel-guidelines-discussion-at-bgy-caruray-and-port-barton

“Tulungan po ninyo [kami] na ipaunawa sa mamamayan ang [mga panuntunang] mapag-uusapan. Dala ng pag-unawa na iyan ay naniniwala kami, sa pagkakaisa natin, na maititindig natin [at] masusustina natin na maiwasan pa ang anumang dagdag na pinsala o magiging pinsala ng COVID-19 sa bayan ng San Vicente,” pahayag ni Incident Commander Rustico B. Dangue.
Tiniyak naman ng MIATF na kontrolado ang sitwasyon ng COVID-19 sa munisipyo. Sa pamamagitan umano ng pagpapaigting ng implementasyon ng mga patakaran at ng pagtalima rito ay mapapanatili ang maayos na pangangasiwa at paglaban sa naturang virus.
“Ang kondisyon natin sa San Vicente, kung ako po ang tatanungin, sampu ng pagtatasa ng task force, we have a managed condition. We are on the top of the situation,” pagtitiyak ni Dangue.
Sa pinakabagong datos na ibinahagi ni Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico, mayroong isang aktibong kaso ng COVID-19 ang San Vicente. Ito ang pang-anim na naitalang kaso simula noong taong 2020.

Samantala, nagkaroon din ng malayang talakayan sa pulong kung saan binigyang linaw ang mga katanungan at agam-agam patungkol sa ipinatutupad na travel guidelines.
Pinasalamatan naman ng dalawang barangay ang grupo ng MIATF sa pagbibigay impormasyon at malinaw na pagpapaliwanag sa ipinatutupad na travel guidelines.
“Nagpapasalamat po kami nang marami sa inyong panahon na ipinagkaloob sa aming barangay… Alam po natin ang activity na ito ay mahalaga sapagkat ito po ay may kaugnayan sa atin pong kaligtasan,” ani Barangay Kagawad Joemarie E. Sonio ng Port Barton.
“Ako po ay natutuwa dahil sa first time na panunungkulan ni Mayor Amy [Alvarez] ay narito po kayo upang umalalay sa mga mamamayan upang ipaintindi kung anuman ang hindi nila naiintindihan [patungkol sa travel guidelines],” pahayag ng pasasalamat ni Punong Barangay Lovicel V. Bonggat ng Caruray.

san-vicente-palawan-travel-guidelines-discussion-at-bgy-caruray-and-port-barton