san-vicente-palawan-clearing-operation-after-typhoon-odette

Patuloy ang isinasagawang clearing operation ng lokal na pamahalaan ng San Vicente sa mga kalsada upang matanggal ang mga natumbang puno, poste ng kuryente at iba pang fallen debris dulot ng pananalasa ng Bagyong Odette kamakailan.

Ayon sa pagtataya ni Engr. Charlie Cachuela ng Municipal Engineering Office (MEO), nasa 80 porsyentong ‘passable’ na ang mga pangunahing kalsada sa bayan ng San Vicente, labintatlong araw matapos ang paglandfall ng bagyo sa lalawigan.

Ang MEO at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang naatasan ng Emergency Operations Center na magsagawa ng road clearing.

san-vicente-palawan-clearing-operation-after-typhoon-odette

Ani Engr. Cachuela, passable na ang kalsada mula sa Bgy. New Agutaya patungo sa Barangay proper ng Sto. Niño ngunit nananatili namang hindi passable ang kalsada na nagkokonekta sa Bgy. Sto Niño mula sa ‘Bato ni Ningning’ patungong New Canipo.

“Sa Sto. Niño, [doon] sa sinasabi nating Bato ni Ningning onwards hanggang boundary ng Bgy. New Canipo hindi siya passable dahil before pa ng Typhoon Odette nasira na ang mga kalsada natin doon,” ayon sa kawani ng MEO.

Alternatibong daanan ng mga biyaherong tutungo sa Bgy. New Canipo at Binga ang kalsada sa Bgy. Abongan, bayan ng Taytay.

Maaari na ring makadaan ang 6 cubic truck mula sa Bgy. Poblacion patungong Bgy. Port Barton proper sa bahaging timog ng San Vicente.

Naisayos na rin ang tulay na nasira sa Bgy. Kemdeng malapit sa paaralan ng elementarya ng Bgy. Kemdeng ngunit tanging light vehicles lamang ang pinapayuhang dumaan.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng clearing operation ang MEO at MDRRMO sa TDC patungong Bgy. Caruray.
Samantala, nakikipag-ugnayan din sa ngayon ang lokal na pamahalaan sa Palawan Council for Sustainable Development upang makahiram ng karagdagang gamit partikular ng mga chainsaw upang mapabilis ang clearing operation.

Nagpasasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa MDRRMO ng bayan ng Rizal at ng Narra matapos magpadala ng grupo kamakailan upang makatulong na mapabilis ang clearing operation sa bayan.


Photo Courtesy to Engr. Cachuela and Ms. Manese