Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong opisyales ng Port Barton Marine Park Management Council (PBMPMC) ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 23 na ginanap sa Villa Marguerita, Bgy. Port Barton.

Pinangunahan ni Mayor Amy Roa Alvarez bilang administering officer ang oath-taking ceremony para sa mga opisyales ng konseho na inaasahang mangunguna sa pangangalaga at pagpapanatili ng sustinableng Port Barton Marine Park.

Sa mensahe ng Alkalde, inihayag niya ang kanyang buong suporta sa mga adhikain ng naturang konseho sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo para sa mga ipatutupad na programa at interbensyon sa naturang parke. 

“We really need to preserve our natural resources especially dito sa Port Barton. Once it is preserve, the tourism will boom and everyone will reap their rewards,” bahagi ng mensahe ni Mayor Alvarez.

Dagdag pa niya, mahalagang mapangalagaan ang kalikasan at karagatan dahil ito ay maaaring maging daan upang lalo pang sumigla ang industriya ng turismo at maging ng ekonomiya.

“I will fully support it… The protection of our environment will bring more tourist and will lift up the economy here sa Port Barton,” paliwanag niya.

Naihalal na chairperson ng PBMPMC si G. Mark Philip Acosta. Lubos ang kanyang pasasalamat sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Alvarez sa inisyatibong muling itatag ang naturang konseho.

“Ito ay pangarap ng taga-Port Barton na mabuo muli. Maraming salamat kay Mayor Amy [Alvarez] sa inisyatibo niya na buuhin muli ang marine park council. Kailangan talaga nating pangalagaan ang ating kapaligiran dahil ito ang pinupuntahan ng ating mga turista,” pasasalamat ni G. Acosta.

Ilan sa mga tinukoy niyang inisyal na programa na kanilang gagawin ay ang rehabilitasyon ng mangrove area sa parke, pagsasaayos ng mga corals sa pamamagitan ng pagtatanim ng artificial reef at mga pagsasanay may kinalaman sa wastong pangangalaga ng karagatan para sa mga opisyal at residente. Kabilang din sa mga tinitingnang plano ang pagpaparami ng bangus at mud crabs.

“Ang vision talaga ay mapangalagaan at makilala ang Port Barton Marine Park. So, once na makakuha ng award outside the Philippines [at] makilala siya, dadagsain tayo ng mga turista,” dagdag pa ni Acosta.

Nais umano ng konseho na makilala ang Port Barton tulad ng Puerto Princesa City na naging patok na destinasyon dahil sa Puerto Princesa Subterranean River. “’Yun din ang aim ng bawat isa na dagsain ng turista pero pangalagaan pa rin ang marine environment also lahat ng kalikasan natin.”

Samantala, nagkaroon din ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng pagkakatatag ng PBMPMC na ibinahagi ni Municipal Agriculturist Rufino Clavecilla.

Ani Municipal Agriculturist, mapalad ang Port Barton dahil sa mayaman nitong karagatan kung saan makikita ang mga isla, bahura, halamang-dagat at mga bakaw. Naging modelo rin umano ito pagdating sa research.

“Ang Port Barton mula no’ng mid ‘90s pumasok ang maraming opportunities. Pumasok ang CRMP – na kung saan lalong naipagpatibay, napaibayo ang laban natin sa mga illegal o sa mga hindi magandang gawain para sa ating karagatan,” ayon kay G. Clavecilla.

Hinikayat naman ni Sangguniang Bayan Member Ramir Pablico, committee chariman on agriculture, ang bawat isa na makibahagi sa pagprotekta at pangangalaga ng naturang marine park.

“Syempre tayo rin ang magtutulungan dito. Alam po natin na tao rin daw ang sumisira ng kalikasan pero tayo ring mga tao ang gagawa ng mga pamamaraan at inisyatibo para maibalik ang kagandahan [nito].”

Ayon naman sa opisyal ng barangay, malaki ang maitutulong nang muling pagtatatag ng PBMPMC tungo sa sustinable at pangmatagalang paggamit ng likas na yaman at pag-unlad pa ng turismo sa kanilang barangay.

“Inaasahan po natin na sana po ay maging matagumpay ito at magawa natin ang labin-isang mga layunin para po maging matagumpay at maging pangmatagalan ang paggamit po ng ating likas-yaman at maisulong ang turismo sa ating barangay at sa ating bayan,” ani Kagawad Joemarie Sonio.

Dumalo rin sa isinagawang oath-taking ceremony ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources, Department of Education, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Philippine Marines, LASAP, Inc., mga bangkero at iba pang stakeholders.