san-vicente-palawan-seaweed

San Vicente, Palawan – Limampu’t isang mangingisda ng So. Panindigan, at 17 mula sa So. Macatumbalen na parehong sakop ng Bgy. Poblacion ang nabigyan ng mga bagong gamit na pangawilan o hooks and lines mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at Municipal Agriculture Office (MAO) ng bayan ng San Vicente kahapon, ika-8 ng Oktubre 2020.

Maliban sa mga gamit pangisda, isinabay din ng Provincial Government of Palawan (PGP) ang pamamahagi ng mahigit 600 kilos na Seaweed Planting Materials para sa 31 pamilya na Seaweed Growers ng So. Panindigan na tinaguriang fishing village ng Bgy. Poblacion. Maagang dumating sa San Vicente ang mga kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) dala ang mga pananim na agar-agar o seaweed na nagmumula pa sa Amugis sa bayan ng Taytay upang ipamahagi para sa karagdagang pananim ng mga seaweed growers ng nasabing sitio.Pinangungunahan ni Gg. Edgardo C. Zabala, Jr., Supervising Administrative Officer/Project Consultant ng Livelihood Project Management Unit ng OPA ang pamimigay para sa proyektong Distribution of Seaweed Propagules na bahagi ng Seaweed Industry Development Program na isinusulong ng nasabing opisina sa ilalim ng banner program na I-HELP ng probinsya.Ayon kay Gg. Zabala ipinagbabawal ng probinsiya ang pag gamit ng abono sa seaweeds dahil hindi lamang maaaring sisirain nito ang natural environment sa dagat na maging sanhi ng pagdami ng algae kundi, masisira din diumano nito ang kasalukuyang mataas na presyong ibinibigay sa produktong seaweed ng Palawan. “Meron pong provincial ordinance dito sa palawan number 1997 s. 2018 kung hindi po ako nagkakamali, ipinagbabawal po ang paggamit ng abono sa pagtatanim ng seaweeds, kasi sisirain po nito ang presyo, dahil ang number 1 na buyer po natin ay ang U.S. at Europe, at alam nila yan na organic o natural nating inaalagaan ang seaweeds, kaya mas mataas ang presyo.”

Sa kaniyang pananalita sinabi ni Gg. Honorio M. Alejano, representante ng mayor, na ito ay programa ng ating Pamahalaang Panlalawigan sa pakikipagtulungan ng Lokal ng Pamahalaan ng bayan ng San Vicente upang makatulong at mabigyan ng suporta ang mga mangingisda sa kabila ng nararanasang pandemya. “Ito ay paunang activity pa lang dahil marami pang proyektong ipapaabot para sa mga mangingisda. Sa katunayan kasabay nito ay may ginaganap tayong training para sa lamayo-making, tinapa at iba pa… babalik pa rin kami dito upang planuhin pa ng husto ang mga proyekto at programang makakatulong sa pang-araw-araw ninyong pangangailangan.”Inanyayahan naman ni Hon. Ramir R. Pablico, SB Member at Chairman ng Committee on Agriculture ang mga mangingisda na suportahan ang isa pang programa ng LGU, ang pagtatatag ng mga Marine Protected Areas (MPA) sa karagatang sakop ng munisipyo upang maprotektahan ang yamang dagat at magiging sustenable at pangmatagalan ang hanapbuhay na pangingisda. “Nag-start na po tayo, ilang araw na, kasama ng PCSDS, para ma-assess ang 14 identified Marine Protected Areas na ito, pati ang inyong mga pagtataniman ng seaweeds, ay ia-arrange din po natin ito.”

Samantala, bakas naman ang tuwa at pagpapasalamat habang tinatanggap ang mga kagamitan ng mga benepisyaryo ng programa ng pawang mga kasapi ng So. Panindigan Seaweeds Growers Association at Macatumbalen Fisherfolks Association.