san-vicente-palawan-mass-gathering-in-mgcq-area

Base sa Memorandum Circular No. 2021-050 na inilabas ng DILG ay pinapayagan ang pagsasagawa ng mahahalagang pagtitipon o essential gathering sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) tulad ng bayan ng San Vicente
Ayon kay Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue, dapat na mayroong implementasyon ng minimum public health standards at 50 porsyento ng carrying capacity ng isang lugar ang mga papayagang magsagawa ng limitadong pagtitipon.
“Sa MGCQ, 50 percent ng carrying capacity ng venue ang dapat i-observe plus ang minimum health protocols. Ang essential gathering hindi lamang po iyong ginagawa ng national government or ng local government units, even churches or other private – ‘yung mga corporations they can do essential gathering,” saad ni Dangue sa pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) noong Huwebes, Mayo 20.
Upang mabigyan ng permiso ang isasagawang pagtitipon, kinakailangang magsumite sa MIATF ng aplikasyon kasama ang disenyo ng isasagawang aktibidad, ayon pa kay MLGOO Dangue.
“Ang kailangan lang natin when there are proposed mass gathering activities na pu-p’wedeng pumasa sa omnibus guidelines ay mayroong corresponding written application at kasama po rito ang disenyo ng mass gathering, yung lugar na pagdarausan, bilang ng mga partisipante na target at saan mangagaling ang mga participants,” dagdag pa niya.
Ang mga gawain tulad ng kasal, simba at pagtitipong may kinalaman sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno ay pinapayagan.
“Pinapayagan ang kasal pero according to our local protocols hindi tayo p’wedeng tumanggap ng mga bisita coming from outside of San Vicente,” ani MLGOO Dangue.
“‘Yung religious rights sa simbahan o any sect ay pinapayagan provided na 50 percent lamang po ang kanyang magiging holding capacity.”
Hindi naman maaaring magsagawa ng prosisyon gaya ng nakasanayan bilang bahagi ng pagdaraos ng piyesta.
Maliban sa mga essential gathering, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang iba pang pangtitipon na walang permiso at ang pagsasagawa ng illegal gambling at tupada.