san-vicente-palawan-food-for-work-program

Nakibahagi ang 59 na mga katutubo sa isinagawang food-for-work activity sa Bgy. Port Barton na pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) noong araw ng Martes, Mayo 11.
Tumanggap ang bawat katutubo ng tig-limang kilong bigas matapos na lumahok sa isinagawang paglilinis ng baybayin sa Port Barton proper at Sitio Villapiña. Sa aktibidad ay kanilang isinagawa ang wastong pagtatapon at pagbubukod-bukod ng mga nakolektang basura sa baybayin.
“[Sa pakikipagtulungan sa MENRO], ang pinaka-campaign po natin sa ngayon ay waste segregation and importance po ng marine life. Isa po iyon sa nagpush sa amin para mag-conduct ng coastal clean-up [kasama] ang ating mga IPs],” ani Bb. Nikki Angelie C. Manese ng MDRRMO.
Ayon pa sa MDRRMO, sa pamamagitan ng isinagawang food-for-work ay naipadama sa mga katutubong ito ang pagpapahalaga at serbisyo ng gobyerno para sa lahat.
“Gusto natin i-reach out ang ating mga IPs nang sa ganoon ay mabigyan [at maipadama natin sa kanila ang serbisyo ng ating lokal na pamahalaan]. Nasa mga secluded area sila, sa mga kabundukan sila – isa ito sa nagpush sa amin na i-target ang ating mga IPs,” dagdag pa ni Manese.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng mga naging benepisyaryo ng aktibidad sa pagpapahalagang ibinibigay sa kanila ng Pamahalaang Bayan ng San Vicentel
“Maraming salamat po sa MDRRMO, kay Mayor Amy Roa Alvarez at LGU San Vicente dahil sobra po naming naramdaman ang inyong pagpapahalaga sa aming mga miyembro ng IPs ng Port Barton. Ito po ay kauna-unahang aktibidad na ekslusibo po para lamang sa aming mga IPs,” mensahe ng pasasalamat ng isang IP member.
Nagsagawa rin ng kahalintulad na aktibidad ang MDRRMO sa Bgy. Poblacion at Bgy. New Agutaya noong Mayo 6 kung saan 42 katutubo ang lumahok sa isinagawang coastal clean-up.
Sa huli ay pinasalamatan ng MDRRMO ang mga opisyales ng barangay at mga katutubong nakibahagi at sumusuporta sa mga aktibidad na isinasagawa ng lokal na pamahalaan sa mga barangay.

Photo Courtesy: Mdrrmo San Vic facebook page