san-vicente-palawan-chicken-layering-program-starts-producing-profits

Nagsisimula nang kumita ang tatlong asosasyon sa Bgy. Caruray na benepisyaryo ng programang chicken layering ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.
Simula noong buwan ng Pebrero ay tuloy-tuloy na ang produksyon ng mga itlog mula sa 230 ready-to-lay (RTL) chickens na ipinagkaloob noong buwan ng Enero sa Rural Improvement Club ng Sitio Gawid at Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Caruray – Panamin at Candamia Chapter.
Ayon kay Bb. Karen B. Andonga ng Livelihood Unit, nasa 95 porsyento ng mga RTL chickens ang araw-araw nang nangingitlog. Sa kasalukuyan ay may average production na isa’t kalahating egg tray ang bawat asosasyon.
Ang isang tray ng itlong ay kanilang naibebenta ng 200 pesos.
Sa pamamagitan ng programa ay nasusuplayan ng mga naturang asosasyon ang maliliit na tindahan at negosyo tulad ng panaderya na malapit sa kanilang lugar.
“Instead na bumili ang mga tindahan outside the Caruray, sila na ang nagsusuplay. Hindi na kailangan pa ng [taga Sitio Gawid at Candamia] na pumunta ng Roxas at Caruray proper para lang bumili ng itlog,” pahayag ni Andonga. “Mayroon na silang average income daily na 300 pesos.”
Ang kita sa produksyon ng itlog ay inilalaan sa maintenance, pambili ng feeds, bitamina at gamot, labor, operasyon at association shares.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring at pagbibigay ng tulong teknikal ng Pamahalaang Bayan upang masiguro ang paglago ng ipinagkaloob na karagdagang pangkabuhayan sa tatlong asosasyon na binubuo ng kababaihan at katutubo.
“[Noong Biyernes ay nagsagawa tayo] ng monitoring and visitation para mabigyan natin sila ng guidance and technical assistance,” ani Andonga.
Ilan pa sa mga programang pangkabuhayan na itinataguyod ng lokal na pamahalaan ay ang fish processing sa Sitio Panindigan at banana processing sa Bgy. Sto. Niño.
Ang mga programang ito ay bahagi ng mga interbensyong isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente upang maibsan ang naging epekto ng pandemya sa kabuhayan ng mga residente.