Ipinagpapatuloy ngayong araw ang interview para sa mga aplikante na nagnanais makakuha ng regular na posisyon at maging ng promosyon sa lokal na pamahalaan ng San Vicente.

Mayroong mahigit sa 60 bilang ng mga aplikante ang natanggap ng Human Resource Management Office (HRMO) para sa 16 na posisyong binuksan noong ika-29 ng Hulyo. Ang mga aplikante ay masusing sinusuri ng Human Resource Merit Promotion Selection Board (HRMPSB).

Isa ang interview sa mga requirements para sa pagpili ng karapat-dapat at kwalipikadong aplikante upang tuluyang makapasok sa serbisyo at paglilingkod sa pamahalaang lokal.

Sinimulan ang pagsasagawa ng interview noong araw ng Lunes, Setyembre 6, at magtatagal hanggang sa araw ng Biyernes, Setyembre 10.

Ilan sa mga posisyong binuksan ay ang bookkeeper, accountant, construction and maintenance foreman, department head, planning officer, agricultural technologist, local treasury operations officer, license inspector at iba pa.

Ang pagbubukas ng naturang mga posisyon ay base sa naging direktiba ni Mayor Amy Roa Alvarez sa HRMO na may layuning magkaroon ng sapat na bilang ng mga empleyado ang lokal na pamahalan para sa mas mabilis at epektibong pagtataguyod ng mga serbisyo at programa para sa kapakanan ng mga residente.

Layunin din nito na makapagbigay ng oportunidad para sa promosyon ng mga dati nang naglilingkod at nagbibigay serbisyo sa Pamahalaang Bayan ng San Vicente.