Isang pagpupulong ang isinagawa noong araw ng Martes, Mayo 4, sa pagitan ng Municipal Fishery Regulatory Board (MFRB) at mga baklad operators ng Bgy. Caruray.
Ang pakikipagdayalogo ay naglalayong marinig ang mga problema at mungkahi ng mga mangingisda tulad na lamang ng pagdaragdag ng mga sona para sa operasyon ng baklad.
Ayon kay Municipal Agriculturist Rufino Clavecilla, kasalukuyang nirerebisa ang zoning ordinance ng munisipyo. Ang dayalogo ay daan upang mabigyang pansin ang panig ng mga nagmamay-ari ng baklad at maikonsidera sa mga pagbabagong gagawin sa ordinansa.
Ayon pa sa MFRB, ilan sa mga operasyon ng baklad sa naturang barangay ay maituturing na iligal dahil na sa kakulangan ng dokumento partikular ang zoning clearance na isa sa mga kinakailangan para mabigyan ng mayor’s permit.
“Ito (baklad zone) po ay inilagay natin para maisaayos natin ang tamang gamit ng ating karagatan o ‘yung pagsosona-sona ng ating karagatan. Dahil kung wala tayong mga ginawang pagsosona, rumble rumble tayo ‘no. Kanya-kanya na lang at wala tayong tinatawag na kaayusan sa paggamit ng fishery resources,” saad ni Municipal Planning and Development Coordinator Jessie Velete nang kanyang ipakita ang zone map ng naturang barangay.
Dagdag pa ni MPDC Velete, “titingnan natin kung saan pa ang mga possible areas o kung saan ang inyong mga area ng mga baklad upang maisama na natin sa pagre-revise natin ng zoning map.”
Sa pagpupulong ay tinalakay din ang patungkol sa mga Marine Protected Area. Ani Municipal Agriculturist Clavecilla, ipinagbabawal ang paglalagay ng mga baklad malapit dito o sa itinakdang 200 metrong buffer zone.
Nagkaroon din ng talakayan patungkol sa wastong sukat o distansya ng baklad sa pampang o shoreline at sa mga bahura base sa mga legal na batayan.


Sinabi ng MFRB na kanilang pag-aaralan ang mga mungkahing ipinarating ng mga baklad operators upang maikonsidera sa mga pagbabagong gagawin sa zoning ordinance.
Mayroong 37 bilang ng mga nakatayong baklad sa Bgy. Caruray, ayon sa datos ng Business Permits and Licensing Office nang sila ay magsagawa ng imbentaryo noong buwan ng Pebrero.
Pinasalamatan naman ng mga mangingisda ang MFRB sa pagkakataong maiparating ang kanilang mga hinaing at sa pagpapahalagang ibinibigay nito sa kanilang kabuhayan.
Maraming salamat po sa pagtugon ng aming mga problema, higit sa lahat po na napasyalan ninyo kami rito sa Bgy. Caruray. Napakalaki po talaga ng problema dahil iyan lamang po ang source of income namin pagdating ng amihan – although hindi naman yearly talagang kumikita… Maraming salamat po sa inyo na nasabi namin ang hinaing namin at naunawaan ninyo kami,” sabi ng isa sa mga baklad operators.