san-vicente-palawan-mayor-amy-sends-letter-to-pspi

Pinakiusap ni Mayor Amy Roa Alvarez sa pamunuan ng PowerSource Phils., Inc. (PSPI) na ipagpaliban ang plano nitong shutdown ng operasyon sa Barangay Port Barton hanggang sa katapusan ng Mayo ng taong ito.
Maalalang ipinaalam ng supplier ng kuryente sa mga subscriber nito sa Port Barton, ang planong shutdown ng kanilang operasyon simula April 7 bunsod di umano ng kanilang pagkalugi.
Nagpanukala sa Barangay ng isang panibagong Memorandum of Agreement (MOA) ang pamunuan ng PSPI kung saan pinapapayag nito ang subscriber sa mas mataas na taripa ng kuryenteng nagkakahalaga ng P53.13 na halos doble sa kasalukuyang binabayarang P29.65 sa bawat kilowatt ng kuryente sa parehas na presyo ng krudo na P68.00 bawat litro. Ito’y may katumbas na rate na nakadepende sa kasalukuyang halaga ng diesel at maaring tumaas pa o bumaba.

san-vicente-palawan-mayor-amy-sends-letter-to-pspi

Sa isang pagpupulong ng mga opisyales ng Barangay Port Barton, LASAP, Inc. na kumakatawan sa private sector, kasama si Mayor Alvarez at pamuan ng PSPI, malinaw na ipinabatid ng Barangay na hindi kakayanin ng mga residente ang halos dobleng taas sa singil.
Humiling naman ang Alkalde ng malinaw na batayan sa mas mataas na singil at breakdown sa diumanong pagkalugi ng kompanya upang masusing mapag-aralan.
Pinuna din ng mga opisyales ng Barangay at Munisipyo ang napakatagal na delay sa pag-aapply ng PSPI ng subsidy sa Energy Regulatory Commission na dapat noon pang 2018 naisagawa. Matatandaan na hindi pa rin nakukumpleto ng kumpanya ang lahat ng requirements para sa application nito ng subsidy.
Dagdag pa nila na ang agarang pagtigil ng pagsupply ng kuryente ng walang sapat at klarong basehan ay hindi makatarungan. Higit pa rito, taliwas ito sa unang napagkasunduang MOA na may lagda ng pamuan ng PSPI na sila ay magsusupply ng 24/7 na kuryente sa consumers nito.
Maliban umano sa mga nabanggit, hindi pa rin daw napapanahon ang agarang pagtigil ng supply ng kuryente sa Port Barton kung kailan inaasahan ang unti-unting pagbalik ng turista, na sya namang magbibigay ng pagkakataon sa mga residente na kumita at makabawi sa nasayang na panahon dahil sa pandemic at pananalasa ng bagyong Odette.
Ang halos dalawang buwang palugit na ito ay magbibigay ng sapat ng panahon upang mapag-aralan ng Barangay, sa tulong ng Munisipyo, ang mga nakasaad sa MOA.
Umaasa din na bago matapos ang palugit ay naaprubahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang matagal ng naantalang subsidy application at provisional authority to operate ng PSPI.
Ayon sa PSPI ay ipaaalam agad nila ang resulta ng nasabing kahilingan na palugit sa lalong madaling panahon.