san-vicente-palawan-mayor-amy-roa-alvarez-meets-mayor-rodriguez-of-taytay-2

Personal na tumungo si Mayor Amy R. Alvarez sa opisina ng Alkalde ng Bayan ng Taytay kahapon, Abril 27, upang pag-usapan ang mga patakaran na ipinapatupad bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.
Ito ay matapos na bisitahin ng Punong Bayan ang quarantine checkpoint sa Bgy. Binga kung saan dito ay parehong dumaraan ang mga residente ng Bgy. Banbanan at Bgy. Minapla, dalawa sa 31 barangay ng bayan ng Taytay.
Kasama sa pagbisita sina Punong Barangay Nerie Varquez, MDRRMO Orlando C. Estoya, MLGOO Rustico Dangue, Executive Assistant V Carlo A. Buitizon at iba pang security personnel upang kumustahin ang mga frontliners na nakatalaga roon at malaman ang aktuwal na sitwasyon ng checkpoint.
Partikular na pinag-usapan ng dalawang Punong Bayan ang magiging kasunduan sa pamamahala ng mga biyaherong Taytayano na dumaraan sa quarantine checkpoints ng Barangay Binga.
Dito ay napagkasunduan na kinakailangang mag-iwan ng tala (passenger log) ang mga byaherong tutungo at lalabas ng Barangay Banbanan at Minapla na dumaraan sa Barangay Binga upang magamit sa contact tracing. Kabilang sa mga impormasyong kinakailangan ang pangalan, destinasyong pupuntahan at numero.
Ayon naman kay Mayor Christian Rodriguez ng Taytay, sila ay susunod sa mga panuntunan na ipinapatupad ng bayan ng San Vicente. Magsasagawa umano sila ng koordinasyon sa dalawang barangay upang mabigyang impormasyon ang mga byaherong magmumula at papasok doon.