Bagamat dismayado sa mabagal na aksyon , nagpasalamat si Mayor Amy Roa Alvarez noong sa wakas pagkalipas ng isat kalahating buwan ay natugunan na ng Sangguniang Bayan ng San Vicente ang inihaing Supplemental Budget No. 8-2021 kung saan nakapaloob ang pondo para sa pagpapaigting ng COVID-19 response kabilang ang pamamahagi ng ayuda para sa mga sumasailalim sa isolation at home quarantine.

“This is how they address my URGENT requests for the PEOPLE! This is what they call action agad!! Sige pasalamat na lang tayo na approved nila, 1 1/2 months later,” saad ni Mayor Alvarez sa kanyang facebook post.

Matatandaang inihain ni Mayor Amy Alvarez ang panukalang dagdagan ang pondo para sa COVID19 response noong ika 31 ng Hulyo ng taong ito. Maraming SB sessions ang dumaan at maraming sulat ang ipinarating ni Mayor Alvarez sa miyembro ng Sanggunian na nakasaad ang salitang “URGENT” ngunit ito ay naaprubahan lamang noong ika 21 ng Setyembre o pagkalipas ng isa’t kalahating buwan.

Ang naturang supplemental budget ay nagkakahalaga ng P28.3 milyon kung saan nakapaloob ang budget sa pagbili ng karagdagang antigen test kits, pagkain para sa mga positibo sa COVID-19, pasuweldo para sa mga COVID marshalls, contact tracers at mangagawa ng MEEDO, at ang pagtataguyod ng programang pangkabuhayan.

Mahalaga ang naturang mga pondo lalo ngayong may naitatalang pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa munisipyo. Dito kukunin and pondo para sa pangangailangan sa pagkain ng mga nasa isolation facility at mga closed contacts na pinayuhang manatili sa kani-kanilang mga tahanan, at pondo para sa patuloy na pagsasagawa ng antigen testing ng Municipal Health Office upang maagapan ang pagkalat ng nasabing virus.