san-vicente-palawan-mayor-amy-donates-bond-paper-to-dep-ed

Pormal na ipinagkaloob ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Department of Education-San Vicente District ang nasa 8,000 reams ng bond paper bilang suporta sa pagpapatuloy ng pagsusulong ng edukasyon sa panahon ng pandemya.

Malugod na tinanggap ni Officer-in-Charge-Public Schools District Supervisor Loida L. Janoras ang naturang mga donasyon noong araw ng lunes, Enero 10, sa ginanap na turnover sa San Vicente Central School. Ang naturang mga bond paper ay personal na donasyon ng Alkalde ng bayan ng San Vicente na layong makatulong sa mga guro at mag-aaral sa lahat ng paaralan sa bayan ng San Vicente may kaugnayan sa implementasyon ng distance learning.

san-vicente-palawan-mayor-amy-donates-bond-paper-to-dep-ed

“Nais natin na makatulong sa produksyon ng mga self-learning modules para sa mga mag-aaral dito kaya patuloy natin itong susuportahan habang hindi pa posible ang pagkakaroon ng face to face classes. Alam naman natin kung gaano kahalaga ang edukasyon para sa kinabukasan ng mga bata kaya kahit may pandemya ay talagang gumagawa tayo ng paraan para makatulong sa sektor ng edukasyon,” ani Mayor Alvarez.

Ayon kay Mayor Alvarez, nabili niya ang naturang mga papel noon pang Nobyembre taong 2021 ngunit naantala ang pagdadala nito sa bayan dahil na rin sa pananalasa ng bagyong Odette. Pinasalamatan din niya ang ilang indibidwal na nagpaabot ng tulong para sa inisyatibong ito.

“Last November 2021, I got around mga P281,000 donations and then sinagot ko na ang iba kasama ang delivery patungo rito sa San Vicente. I just want to thank Ms. April Parcon, Congressman Chikoy Alvarez, Board Anton [Alvarez], Mr. Perry Quimbo and the rest of the donors na talagang bukas-palad na nakibahagi rito,” pasasalamat ng Alkalde.

Hindi ito ang unang beses na nagkaloob ng bond paper si Mayor Alvarez para sa mga paaralan ng San Vicente. Matatandaan na noong taong 2020 ay mahigit sa 7,600 reams ng bond paper din ang ipinagkaloob nito sa naturang distrito.