Muling umapela ngayong araw si Mayor Amy Roa Alvarez na maibalik ang kontrata ng may 60 contract of service (COS) at job order (JO) workers ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO).

Ito’y bunsod ng muling pagpapaliban kahapon ng Sangguniang Bayan (SB) sa pagkasa ng panukala ng Alkalde sa Supplemental Budget No. 08-2021 na inindorso pa noong nakaraang linggo.

Sa kanyang liham, tinuran ni Mayor Alvarez na ang pag-apruba ng SBO sa P28.2-M Supplemental Budget No. 08-2021 ay magsisisuguro ng patuloy na serbisyo ng mga empleyado ng MEEDO.

Ang pondong ito ay para sana sa pagpapasweldo sa mga empleyadong naglilingkod sa MEEDO hanggang sa Disyembre at kasama rin dito ang mga programang kinakailangan tugon sa pagpigil sa banta ng pandemya dulot ng Coronavirus (COVID-19).

Ikinadismaya ng Punong Ehekutibo ang kakulangan ng aksyon ng mga miyembro ng Sangguniang na tila’y pagsasawalang bahala sa kanyang inihaing panukalang pondo.

“Napakahalaga ng trabahong ginagampanan ng ating mga manggagawa sa MEEDO lalo sa serbisyo sa tubig para sa mga kabahayan. Kaya sana aksyunan na ito ng Sanggunian upang may mapagkunan tayo ng pondo para sa kanilang mga sweldo,” tugon ni Mayor Alvarez.

Iginiit din ng Mayor na walang nang sapat na pondong magagamit para sa pagpapasweldo sa mga ito kung hindi aprubahan ng SB ang naturang supplemental budget.

Matatandaan na noong ika-30 ng Hulyo nang ipasa ng Mayor ang Supplemental Budget No. 06 na nagkakahalaga ng higit ₽71 Million sa SBO kung saan nakapaloob ang pondo para sa pagpapasweldo sa manggagawa ng MEEDO.

Ilang programa at proyekto lamang sa naturang supplemental budget ang inaprubahan ng Sangguniang Bayan matapos nitong ipasa ang Appropriations Ordinance No. 18-2021.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi isinama ng SB sa naturang ordinansa ang dagdag na pondo para sa mangagawa ng MEEDO na may halagang higit sa ₽2.5 Million.

Binigyang diin ng Mayor na hindi magagamit ang supplemental budget no. 06-A na nilikha ng SBO dahil ito ay paglabag sa Local Government Code kung saan nasasaad na ang supplemental budget ay dapat na magmumula lamang sa local chief executive.

Samantala, ilan pa sa mga nakapaloob sa inindorsong SB No. 08 ang mga pondo para sa pagbili ng karagdagang antigen test kits, pagpapasweldo para sa mga COVID marshals at contact tracers, pagtataguyod ng mga programang pangkabuhayan at pamamahagi ng bigas sa mga residente upang makatulong ngayong may pandemya.