san-vicente-palawan-founding-anniversary

Ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-52 anibersaryo ng pagkakatatag ng San Vicente bilang isang munisipyo sa bisa ng Batas Republika Bilang 5821 o ang “An Act Creating the Municipality of San Vicente in the Province of Palawan.”

Kasabay ng anibersaryong ito ay ang taunang Malagnang Festival, isang pagdiriwang at pagtatampok ng kultura at tradisyon ng bawat barangay ng San Vicente.

Ngunit ang dating makulay at masiglang selebrasyon ng mahalagang araw na ito ay pansamantalang hindi maisasakatuparan sa pangalawang pagkakataon dahil sa patuloy na pagharap sa COVID-19 pandemic. Ito ay bilang pag-iwas na ring mailagay sa alanganin ang kalusugan ng nakararami.

Bagaman ang pagdiriwang natin ngayon ay malayo sa nakasanayan – kung saan ang mga patimpalak, paligsahan at iba’t ibang pagtatanghal ay masasaksihan – nawa ay patuloy nating ibida ang tunay na pagkakaisa. Ipagpatuloy natin ang pagpapayaman ng ating kultura at kasaysayan. Sa kabila ng lahat, ang pagkakatatag ng Munisipyo ng San Vicente ay kuwento ng pagkakaisa at pagbubuklod-buklod ng mga tao rito.

Ngayong panahon ng pandemya, nawa ay patuloy na mamayani sa bawat isa sa atin ang pagkakaisa at pagbubuklod-buklod. Tulong-tulong tayo na wakasan ang pinsalang dulot ng COVID-19 sa ating bayan sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards. Tayo ay makiisa. Ito ay kuwento ng pagkakaisa.

Mula sa pamunuan ng Pamahalaang Bayan, maligayang pagdiriwang ng ika-52 taon ng pagkakatatag ng Munisipyo ng San Vicente!