san-vicente-palawan-coastal-clean-up

Umabot ng 832 katao ang lumahok sa isinagawang sabay-sabay na paglilinis sa mga baybayin ng apat na barangay ng bayan ng San Vicente, Palawan kaninang umaga, ika-24 ng Hunyo.

Ang aktibidad ay may kaugnayan sa selebrasyon ng Philippine Environment Month ngayong buwan ng Hunyo, at bahagi din ito ng programang isinusulong ni Mayor Amy Roa Alvarez, na paigtingin ang proteksyon at konserbasyon ng kapaligiran at itaas ang kamalayan ng komunidad sa mga usaping pangkalikasan.

“Isa ang environment sector sa mga gustong bigyan ng tuon ni Mayor Amy, at isa ito sa mga inisyal na hakbang sa pamamagitan ng ating MENRO, na makapag-conduct ng mga regular na environmental protection and conservation activities, tulad ng mga tree planting, at coastal at river clean-up” ayon kay Gg. Carlo A. Buitizon, executive assistant 5.

san-vicente-palawan-coastal-clean-up-2

“Meron din tayong mga nakaline-up na mga seminars patungkol sa mga environmental laws, at inaasahan din namin na ma-formalize na yung partnership thru MOA signing with PCSD, DENR at iba pang stakeholders upang maging regular na ang mga activities patungkol doon sa mga pangangalaga at pamamahala ng ating kalikasan.” Dagdag pa ni Gg. Buitizon.

Ang apat na barangay ay kinabibilangan ng Bgy. Poblacion, Bgy. New Agutaya, Bgy. San Isidro at Bgy. Alimanguan.

Kasama sa mga lumahok sa nasabing paglilinis ang mga barangay officials, mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng PCSD, DENR, PNP, RMFB, PHILMAR, at Coast Guard, mga miyembro ng 4Ps, mga Ips, kasama din ang ilang organisasyon tulad ng Alpha Kappa Rho, JCI Oil Puerto Princesa, KKDAT, Alimanguan Skimmers, TPSK, katuwang ang mga Sitio/Purok Links at ang mga kalapit na residente sa baybayin na boluntaryong lumahok.

Bahagi rin sa aktibidad ang pagkakaroon ng paglalagda ng lahat ng dumalo sa isang “Pledge Of Support”, kung saan nangangako ang bawat isa ng patuloy na suporta at pagpapahalaga sa kalikasan at sa mga programang pangkalikasan na isinusulong ng lokal na pamahalaan. Binigyan din ng pagkilala ang mga grupo at organisasyon na dumalo at tumulong para sa matagumpay ng aktibidad.

Nauna nang nagsagawa ng Tree Planting noong ika-15 ng Hunyo sa barangay kemdeng kung saan dinaluhan ito ng 300 indibidwal at naitanim sa araw na iyon ang 350 punla ng puno ng Narra.