san-vicente-palawan-balik-loob-ctg-npa

Pamahalaang Bayan ng San Vicente malugod at buong pusong tinanggap ang 66 residente na mga dating kasapi at tagasuporta ng New People’s Army (NPA) na kusang-loob at tahasang binawi ang kanilang suporta sa Communist Terrorist Group (CTG) at bumalik sa panig ng gobyerno.

Ito ay ginawa sa isang pormal na seremonya ng pag-presinta ng mga nagbabalik-loob sa pamahalaan kahapon, ika-13 ng Oktubre sa Municipal Gym, sa Barangay Poblacion ng bayan.

Ang pagbalik-loob sa pamahalaan ay resulta ng malawakang pakikipag-ugnayan ng Municipal Task Force – End Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC) ng Bayan ng San Vicente sa buong nasasakupan nito na dala ang mensahe ng kapayapaan at mga taos-pusong serbisyo ng pamahalaan.Matatandaang inilunsad ang Retooled Community Support Program ng LGU at ng Philippine Marine Corps-MBLT3 kasama ng iba pang sangay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) noong nakaraang buwan bilang isang sustenableng estratehiya na naglalayong makamit ang pangmatagalang kapayapaan at matugunan ang mga ugat na sanhi ng insurhensiya.Ayon sa pamunuan ng Philippine Marines-MBLT3, ang mga dating na-organisang masa ay kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, kababaihan, manggawa at mga kabataan na pawang nalinlang at napangakuan ng CTG ng tulong pinansiyal, pang-kabuhayan at pagmamay-aring lupa na pawang huwad na pangako upang mahimok lang na sumuporta sa layunin at gawain ng teroristang kilusan.

Sa isang video interview, ito ang sinabi ni alias “Karding”, katutubong tagbanua sa barangay Alimanguan na dating na-recruit ng CTG-NPA, at natalaga bilang pangulo ng Ganap na Samahang Masa (GSM); “Kami ay may problema sa aming lupa, kami ay mga katutubo at pinaasa nila kami. Doon kami pinasok ng grupo na yan, pinasapi at hinikayat. Dahil ang sabi nila ay tutulungan nila kami sa aming lupain. Hanggang sa ginawa nila akong organisadong tao at sari-saring panlilinlang ang ginamit nila sa amin. Sa kagagawan nila, nakarating po ako sa Maynila, na hindi ko alam na magra-rally pala kami. Ang pagkakasabi nila, doon namin malalaman ang dinadaing namin sa aming lupa, yun pala pagdating dun ay pagra-rally na laban sa gobyerno ang gagawin namin. Dahil sa mga kung anu-anong ipinagawa sa akin ng grupo, napabayaan ko na ang aking pamilya.”Tiniyak naman ng pamunuan ng San Vicente MTF-ELCAC sa pangunguna ni Hon. Mayor Amy Roa Alvarez, katuwang ang Palawan PTF ELCAC, ang bukas-palad na suporta at pagtanggap sa mga nagbalik-loob at sa iba pang kusang magbabalik-loob sa pamahalaan. “Since day-1 ay 100% po ang support ng LGU sa programa,… at nagpapasalamat ako sa Bgy. Officials na tumulong na din sa kanila, Thank you very much… Sa mga nagbalik-loob, nandito po ang LGU para tumulong sa inyo thru community support projects ng ating LGU upang maibalik ang tiwala nyo sa ating gobyerno.”

Samantala, patuloy na nanawagan ang panig ng 3rd Marine Brigade/JTF Peacock sa mga miyembro ng teroristang NPA na talikuran na ang mga maling gawain at mga doktrinang pilit na itinuturo at magbalik-loob na sa pamahalaan dahil ang mga Palaweño ay mulat na sa katotohanang walang magandang maidudulot sa pagsapi sa makakaliwang grupo na nagsisilbing salot sa hangaring makamit ang kapayapaan ang kaunlaran ng bayan.