san-vicente-palawan-training-of-trainers-for-summer-clinic

Nakatakdang magsagawa ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente ng libreng sports clinic para sa mga kabataan na gustong malinang ang kahusayan sa paglalaro ng badminton at table tennis.

Napag-alaman kay Bb. Karen V. Andonga, local youth development officer-designate, na isasagawa ang naturang aktibidad sa buwan ng Mayo kung saan sila ay tutungo sa mga barangay upang magturo ng naturang mga isports.

“Magkakaroon tayo ng sports clinic sa anim na cluster [ng mga barangay] pero in a limit pax of participants,” ani Andonga.

Aniya, lilimitahan lamang sa 40 partisipante ang maaaring makasali bawat cluster upang masiguro ang pagtalima sa mga panuntunan may kinalaman sa COVID-19 pandemic.

Dagdag pa niya, ang sports clinic ay para sa mga kabataang nasa edad 10 hanggang 20 taong gulang.

Ang pagsasagawa ng aktibidad ay personal na kahilingan at suportado ni Mayor Amy R. Alvarez na may layuning maibsan ang pagkabagot ng mga kabataan at mabigyan ng “break” mula sa pagsagot ng kanilang mga modules.

“Isa rin sa goal natin ay magkaroon tayo ng mga potential ma magiging athlete natin in the future,” sabi ni Andonga.

Kaugnay nito, sumailalim sa training of trainers noong ika-6 ng Abril ang 14 na indibidwal na magsisilbing coaches sa gaganaping sports clinic. Ito ay sa pamatnubay nina G. Frederick R. Caabay at Ranuel Allen Caabay.

“Ang objective ng [training of trainers] is to train our local athletes [na magsisilbing coaches]. Mga kabataan po iyan na may mga achievement na in different sports level,” paliwanag ng LYDO-designate.

Pangungunahan nina BIMP-EAGA Friendhip Game 3rd placer at NCAA player Precious Junorm Fulgarinas, 4x MIMAROPA Athletic Meet champion at 2× PASUC Olympics 1st placer Zyrus Vance Famini at Palarong Pambasa Player Ressie C. Megullo ang pagsasanay sa mga kabataan sa larong table tennis. Kasama rin ng mga ito sina Stephanie R. Sy, Venz Jasper Adion, Jiosa Gadiano at Dwight Tristan Nikko Carriedo.

Sina Mayer Tranq Rhumses Bacaltos, Reymark Tabangay, Jayvee Tabayocyoc, Jerome Pactao, Keith Iven Arguelles, Elto D. Morales Jr. at Mark Krissan Jay Bacaltos ang pitong tagapagsanay sa larong badminton.

Hindi lamang ang aktuwal na kasanayan sa paglalaro ang ituturo, nakapaloob din sa sports clinic ang personality development, oryentasyon sa napiling isports, guidelines, ground protocols at iba pa.

Ayon pa kay Andonga, first come first serve basis ang pagtanggap ng aplikasyon para sa mga nais sumali. Kanilang ipapabatid ang pagbubukas ng aplikasyon sa mga susunod na linggo.