san-vicente-palawan-shelter-assistance-for-typhoon-odette-victims

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng San Vicente ang pagbibigay ng shelter assistance para sa mga pamilyang napinsala ang tirahan dahil sa paghagupit ng bagyong Odette kamakailan.


Nasa 944 benepisyaryo ang napagkalooban ng P5,000 tulong pinansyal sa unang araw ng pamamahagi nito, ika-3 ng Enero, kung saan 411 ang nabigyan sa Poblacion proper, 331 sa Sitio Panindigan at 202 sa Sitio Casoyan.


Ngayong araw naman nakatakda ang pamamahagi sa mga barangay ng Kemdeng, San Isidro at Sto. Niño.

san-vicente-palawan-shelter-assistance-for-typhoon-odette-victims

Ang Emergency Shelter Assistance (ESA) ay programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng San Vicente na naglalayong makatulong sa mga residente nito na makabili ng mga kinakailangang materyales sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan dulot ng nagdaang bagyo.


Inilaan ang P10.5 Milyon para sa programang ito sa ilalim ng Supplemental Budget No. 13-2021. Inaprubahan din ang P24.5 Milyong karagdagang pondo rito upang mas maraming pamilya ang mabahagian ng tulong pinansyal.


“Ang P5,000 na ipinamamahagi ng ating lokal na pamahalaan ay tulong para maalalayan ang ating mga residente sa muli nilang pagbuo o pagsasaayos ng kanilang mga nasirang bahay. Makatatanggap nito ang mga pamilya na partially o totally damaged ang kanilang mga bahay,” ani Mayor Amy Roa Alvarez.

Sa ilalim ng programa ay kinakailangan lamang ng isang benepisyaryo na magsumite ng larawan ng nasirang pag-aaring bahay, kopya ng valid ID at ang pagpupuno ng ESA form.


Tiniyak din ng Alkalde na mabibigyan ng naturang tulong pinansyal ang mga hindi naisama sa masterlist. Kinakailangan lamang ng mga ito na makapagpresenta ng hinihinging requirements at isasailalim sa pagtatasa at ebalwasyon.


Sa huling tala ng Emergency Operations Center, mahigit sa 6,000 ang nasirang bahay sa 10 barangay ng San Vicente kung saan 4,955 ang partially damaged at 1,134 naman ang totally damaged.


Matatandaan na isinailalim sa state of calamity ang bayan ng San Vicente noong Disyembre 21, 2021 sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 2021-132 ng Sangguniang Bayan. Naglalayon ito na mapabilis ang rehabilitasyon at matulungan ang mga residente na makabangon sa epekto ng bagyo.