san-vicente-palawan-cash-assistance-for-senior-citizens

Nagkaloob ng tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan sa mga rehistradong senior citizens o nakatatanda sa bayan ng San Vicente.


Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), nasa 1,419 na mga lolo at lola ang nabahagian na ng tig P2,000 na cash assistance noong sila ay magtungo sa mga barangay simula noong ika-26 ng Disyembre taong kasalukuyan.


Ang mga nabigyang senior citizens ay mula sa mga barangay ng Poblacion, Kemdeng, Binga, New Agutaya, Sto. Niño, New Canipo, at Alimanguan.


Nakatakda ring magtungo sa mga barangay ng Port Barton, Caruray at San Isidro sa mga susunod na araw upang maiabot ang tulong pinansyal sa mahigit 980 benepisyaryo roon.


Nagsasagawa rin ang MSWDO ng pagbabahay-bahay sa mga benepisyaryo na wala nang kapasidad na magtungo sa mga distribution venue.

san-vicente-palawan-cash-assistance-for-senior-citizens

Mayroong 2,700 senior citizens ang target na mabigyan ng cash assistance na naglalayong makatulong sa pambili ng pangunahing pangangailangan ng mga nakatatanda tulad ng pagkain, gamot at iba pa.


“Nag-umpisa ito last year na mamigay ng tig P2,000 sa lahat ng registered senior citizens. Ito ay [para] pandagdag sa pambili ng pangangailangan ng ating mga lolo at lola, mga immediate needs nila like mga medicines, pagkain, biscuits, gatas,” ani Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn C. Laro.


Dagdag pa niya, maaari pa ring makatanggap ng cash assistance ang mga kwalipikadong residente na wala sa listahan. Kinakailangan lamang nito na magpalista sa kanilang opisina.

“If ever may mga nakaligtaan at wala sa listahan, p’wede naman po… Magpalista lamang para mai-request natin ng panibagong pondo. Lilista lang para ma-update ang ating list ng senior citizens,” ani MSWDO Laro.


Maaari ring personal na tumungo sa opisina ng MSWDO ang mga hindi nakapag-claim ng kanilang cash assistance ngunit pinapayuhan ang mga ito na makipag-ugnayan muna sa kanilang barangay at sa presidente ng kanilang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA).