Muling nakiisa ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa 4th quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2021 ngayong araw, ika-11 ng Nobyembre, na ginanap sa Municipal Gymnasium ng Barangay Poblacion.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang pakikilahok sa naturang gawain kung saan nakibahagi ang mga kawani ng Philippine National Police (PNP)-Municipal Police Station, PNP Aviation Security Group, PNP-Regional Mobile Force Battalion, Philippine Coast Guard, 33 Marine Company-Marine Battalion Landing Team-3, at Bureau of Fire Protection.

Ayon sa MDRRMO, regular na nakikibahagi ang kanilang opisina sa gawaing NSED upang mapanatili ang kahandaan at kaalaman ng bawat isa sa pagprotekta ng sarili sakaling magkaroon ng lindol.

“Every quarter talaga ay ginagawa ang ating National Simultaneous Earthquake Drill para laging ma-refresh ang kahandaan ng mga mamamayan at ng mga stakeholders natin in case na magkaroon ng earthquake ay alam na nila ang proseso ng pagduck, cover, and hold. Kung baga ay muscle memory [na] kapag may dumating na earthquake ay handa na ang mga tao,” ani Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Orlando C. Estoya.

Ganap na alas 9 ng umaga ng isagawa ang ceremonial pressing of the red button na naghudyat sa lahat ng kalahok sa iba’t ibang panig ng bansa na makiisa sa “duck, cover and hold” exercise.

Ito ang pamamaraan na inirerekomendang gawin tuwing makararamdam ng lindol sa isang lugar. Ang NSED ay inisyatibo ng Office of the Civil Defense.

Ito ay isinasagawa apat na beses kada taon para sa promosyon ng kahandaan sa lindol at disaster resiliency.

Bilang suporta sa inisyatibong ito ng pamahalaang nasyunal, patuloy rin na nagsasagawa ang MDRRMO ng information education campaign sa mga barangay upang maibahagi ang mga kaalaman sa mga dapat gawin tuwing may sakuna tulad ng lindol.

Nagkakaroon tayo ng mga information education campaign regarding sa earthquake drill na ito. Actually through the DILG nagdi- disseminate si Sir Rustico Dangue ng regarding dito sa simultaneous drill at sinasama ‘yung sa barangay level, ‘yung mga opisyal at stakeholders natin sa mga barangay para down to the barangay level ay aware sila kung paano ang gagawin kapag may lindol,” dagdag pa ni G. Estoya.

Siniguro naman na nasusunod ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng facemask at physical distancing sa isinagawang paglahok sa aktibidad.

Ang nakasanayang simulation at evacuation drill ay hindi isinagawa bilang pag-iingat pa rin sa hawaan ng COVID-19.