Nakiisa ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa ginanap na 2021 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw ng Huwebes, Setyembre 16.

Isinagawa ang aktibidad sa MDRRMO Operations Center. Nilahukan ito ng mga kawani ng MDRRMO, Municipal Public Safety and Emergency Program, Philippine Coastguard, Bureau of Fire Protection, 33MBC-Marine Battalion Landing Team-3, Philippine National Police-Municipal Police Station at Regional Mobile Force Battalion.

Ganap na alas 9 ng umaga nang isagawa ang online ceremonial pressing of the button na naging hudyat para sa sabay-sabay na pagsasagawa ng “Duck, Cover and Hold” exercise.

Ayon sa MDRRMO, ang paglahok sa quarterly NSED ay makatutulong upang mapanatili ang kaalaman at kasanayan gayundin ang kahandaan para sa kaligtasan ng bawat isa sakaling magkaroon ng lindol.

“Kahit na sabihin na walang earthquake rito sa atin sa Palawan, patuloy nating pina-practice ang earthquake drill… Isa sa goal natin ay maging handa ang ating komunidad sa mga kalamidad lalo na sa lindol dahil mapaminsala po talaga ito,” pahayag ni Bb. Nikki Manese ng MDRRMO.

Aniya, patuloy rin ang kanilang information, education campaign (IEC) sa kabila ng pandemya. Ito ay sa pamamagitan ng online kung saan nagbabahagi sila ng iba’t ibang kaalaman patungkol sa disaster preparedness.

Ang NSED ay isinasagawa apat na beses sa isang taon sa pangunguna ng Office of the Civil Defense. Naglalayon ito na pagtibayin ang kahandaan at kaalaman ng bawat Pilipino sa mga dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng lindol.