Kinilala kamakailan sa DepEd TV Awards 2021 ang Lokal na Pamahalaan ng San Vicente bilang Most Outstanding Local Government Unit for DepEd TV.

Ang natanggap na pagkilala ay dahil sa suportang ibinibigay ng LGU San Vicente sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez sa pagtataguyod ng television-based instruction kung saan mapanonood ng mga mag-aaral ang mga aralin sa telebisyon sa tulong ng mga napiling teacher-broadcaster.

Sina G. Jesrell Abregundo at Bb. Aiza V. Mago, kapwa mga guro sa San Vicente National High School, ang mga teacher-broadcaster sa bayan ng San Vicente.

Kamakailan ay nakamit din nila ang parangal bilang International Demo Teachers sa International Virtual Teaching DemoFest. Ang edukasyon ay isa sa mga prayoridad ng LGU San Vicente lalo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Ilan pa sa mga isinagawang hakbang upang matulungan ang mga guro sa pagtataguyod ng distance learning modality ay ang pagkakaloob ng bond papers at paglalaan ng RISO printing machines upang mapabilis ang produksyon ng mga self-learning modules.