san-vicente-palawan-business-permits-and-licensing-section-launches-ebpls

San Vicente, Palawan – Pormal nang ilulunsad ng Business Permits and Licensing Office(BPLO) ngayong darating na lunes, ika-28 ng Pebrero ang electronic Business Permit and Licensing System (eBPLS) upang mapasimulan na ang digitalization sa pag-proseso ng mga bagong applikasyon at renewal ng mga business permits.

san-vicente-palawan-business-permits-and-licensing-section-launches-ebpls

“Sa Monday, magkakaroon na tayo ng launching sa opisina ng BPLO upang masimulan na natin ang pag-accommodate o pag-cater ng mga business permit applications gamit ang ating bagong automated online system especially yung mga renewal na may valid at kumpletong documents” wika ni Mr. Rexel Rosauro, Licensing Officer.


Ang eBPLS ay isang online at cloud-based software na nagbibigay-daan sa pagproseso ng mga aplikasyon para sa mga bagong business permit at mga aplikasyon para sa pag-renew ng business permit gamit ang elektronikong paraan. Sa pamamagitan nito, ang mga magnenegosyo ay maari nang magsumite online ng kanilang aplikasyon para sa business permit, magsagawa ng mga online payments, at tumanggap ng mga electronic version ng mga permit, lisensya, o clearance.

Isa sa mga layunin nito ay mabawasan ang pakikipag-ugnayan sa mga tao at isulong ang mahigpit na pagsunod sa mga protocol sa kalusugan sa gitna ng pandemya. Sa pamamagitan din ng online system ay mapapabilis at transparent ang mga proseso, at makikita na agad dito kung magkano at ang detalye ng mga bayarin.


Sa loob ng dalawang linggo ay sa kiosk ng BPLO muna gagawin ang pag-aapply ng permits online upang masanay din sa bagong sistema ang mga miyembro ng Business One Stop Shop (BOSS) Team at pagkatapos nito ay maari nang mag-apply online ang mga end-users sa kani-kanilang mga tahanan o lokasyon basta’t may internet connection ito.


“Sa ngayon, sa office pa lang kami tatanggap ng applicant (business permit application) para ipapasok sa online system… Mag-provide kami ng kiosk at ia-assist muna namin ang mga aplikante sa pagproceso ng online application nila.


Ang mga endorsing offices na kasama sa BOSS Team tulad ng Zoning, Sanitary Inspector, Engineering at iba pa ay mananatili muna sa BPLO hanggang maging familiar ang bawat isa sa bagong system.
Siguro after 2 weeks ma-establish na namin, puede nang ilabas ang link sa official website ng LGU.” Pahagag ni Mr. Rosauro.


Una nang itinakda ang paglunsad ng eBPLS noong unang araw ng trabaho sa buwan ng Enero nitong taon subali’t naantala ito bunsod ng pagkawala ng serbisyo ng kuryente at internet dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Odette.


Lahat ng Local Government Units (LGUs) ay inaatasang magtatag ng electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) ayon sa Joint Memorandum Circular (JMC) No. 01 s. 2021 na inilabas ng Advisory Council ng Ease of Doing Business – Anti-Red Tape (EODB-ART), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Information and Communications (DICT) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagtatatag ng mga alituntunin para sa pagproseso ng mga business permit, clearance, at mga lisensya sa lahat ng lungsod at munisipalidad.