san-vicente-palawan-established-grievance-committee-1

San Vicente, Palawan. Bumuo na ng grievance committee kahapon, Enero 11, ang Incident Command System (ICS) ng bayan ng San Vicente upang pagtuunan ng pansin ang mga reklamong ipinaaabot ng mga residente sa relief operations na isinasagawa ng lokal na pamahalaan at ng iba pang ahensiya kaugnay ng pananalasa ng bagyong Odette kamakailan.

Ang pag-organisa ng komite ay bahagi ng monitoring alert function ng ICS sa ilalim ng minimum critical preparation o Charlie Alert, base na rin sa Operation Listo, isang disaster preparedness manual na naglalaman ng mga pamantayang gawain bago, kasalukuyan at pagkatapos ng kalamidad.

Dagdag dito, ang pag-organisa ng komite ay bunsod ng mga hinaing at reklamo na natatanggap mula sa mga residenteng apektado at ibang benepisyaryo dahil na rin sa hindi maayos na implementasyon ng grievance system ng mga ahensyang nagsasagawa ng relief operations.

san-vicente-palawan-established-grievance-committee-2

“Ang monitoring alert na ito will pave the way for the organization ng sariling grievance committee ng ICS, particular attention dito ang relief operation ng lokal na pamahalaan at ng iba pang ahensya, dahil iyan ang vulnerable sa scrutiny ng public,” ani Incident Commander (IC) Rustico B. Dangue.

Sa naturang komite ipaaabot ng mga residente ang kanilang mga hinaing, reklamo o maging positibong tugon sa isinasagawang relief operations ng lokal na pamahalaan tulad ng pagbibigay ng emergency shelter assistance (ESA), pamamahagi ng food packs at iba pa.

“Ang grievance ay p’wedeng statement of request for assistance, statement of reklamo about sa observation nila na mayroong diperensya o anomalies [na nangyayari]. Ang patutuunan naman ng mga grievances, it may either be na reklamo against an official o ‘yung mga na-involve sa distribution,” paliwanag pa ni IC Dangue, Municipal Local Government Operations Officer.

Pangunahing tungkulin ng komite na mangalap ng impormasyon hinggil sa mga ipinaaabot na reklamo at magpaabot ng rekomendasyon sa Alkalde at sa investigative authority.

“Ang grievance ay sort of fact finding committee, walang authority to discipline but may authority to recommend to cause the necessary sanctions by means of investigation and thereafter ay madisiplina ito kung kinakailangan,” dagdag ni IC Dangue.

Maaaring magresulta ang reklamo sa pagsusumite ng administrative, criminal o civil charges laban sa inerereklamong opisyal o empleyado ng pamahalaan o iba pang personalidad, ayon pa sa Incident Commander.

Bahagi ng pagbuo ng grievance committee ang pagtatalaga ng barangay desk sa tuwing magsasagawa ng relief operations.

Maglalagay rin ng grievance box kung saan maaaring ilagay ang nakasulat na reklamo ng mga residenteng nais protektahan ang kanilang pagkakakilanlan.

Itatakda ang pagsasagawa ng briefing para sa mga itatalagang barangay desk ng mga Punong Barangay.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pangalawang bahagi ng pamamahagi ng relief goods at ang pagkakaloob ng P5,000 shelter assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang kalamidad.