Muling hihilingin ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan ng San Vicente na maglaan ng karagdagang pondo na gagamitin para sa pagpapatuloy ng mga programa sa pamamahala ng COVID-19 sa munisipyo.

Ito’y matapos ibasura ng lehislatibo ang nauna nang supplemental budget para sa mga nasabing proyekto noong nakaraang linggo matapos na halos isang buwan talakayin.

Kabilang sa inilalapit ng Mayor ang pondo para sa pamamahagi ng bigas ngayong panahon ng pandemya upang makatulong sa pangangailangan sa pagkain ng bawat pamilya.

“Marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa pandemya. Kung mapagbibigyan ng Sanggunian ay mamamahagi tayo ng ayudang bigas sa bawat pamilya upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagkain,” ani Mayor Alvarez.

Kasama rin dito ang tulong sa pagkain para sa mga nagpositibo sa COVID-19, sumasailalim sa home at facility-based quarantine, at mga frontliners na nagseserbisyo sa mga quarantine checkpoints, isolation at quarantine facilities ng bayan.

Upang mapaigting ang pagtukoy sa mga residenteng nagpopositibo sa naturang sakit at maiwasan ang pagkalat nito, nais din ng Alkalde na maisama sa ilalaang pondo ang pagbili ng karagdagang antigen test kits.

“Nagamit na kasi natin ang pondo na nakalaan para sa mga programang ito dahil na rin may naitalaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating bayan nitong mga nagdaang buwan. Kaya humihiling at umaasa tayo sa SBO na kanila itong aaprubahan,” paliwanag pa ni Mayor Alvarez.

Kapalit ng kawalan ng trabaho, ipinanukala din niya ang dagdag na pondo para sa programang pangkabuhayan sa komunidad, pagpapasweldo ng mga service contractors ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) at iba pang mga opisina.

Ang mga programang nabanggit ay hindi inaprubahan ng Sangguniang Bayan matapos itong iindorso kamakailan ng Punong Ehekutibo bilang bahagi ng Supplemental No. 6-2021. Ito ay sa kabila ng agarang pangangailangan na magkaroon ng pondo para matiyak na hindi maaantala ang paghahatid ng serbisyo at programa ng lokal na pamahalaan.

Ilan sa mga ipinatutupad na programa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente simula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic ang pagbibigay ng pagkain sa mga naka-isolate at kompirmadong kaso ng COVID-19, pamamahagi ng food packs sa mga sumasailalim sa home at facility-based quarantine, at ang pagsusuri gamit ang antigen test kits sa mga closed contact ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Hindi gaya sa ibang LGU, ang Ligtas COVID Facility ng San Vicente kasama na ang pakain ay patuloy na libre sa mga nagpopositibong residente at mga close contacts na maka-quarantine.