
Patuloy ang isinasagawang konstruksyon ng pampublikong palikuran sa Sitio Candamia sa Barangay Caruray bilang tugon ng Pamahalaang Bayan sa kakulangan ng naturang pasilidad sa lugar.
Direktang benepisyaryo ng proyekto na inaasahang magbibigay ng maayos at desenteng palikuran para sa lahat ang mga katutubong nakatira roon.
Inaasahang matatapos ngayong linggo ang apat na palikuran na itinayo sa tatlong lugar sa naturang sitio. Ang mga residente mismo roon ang nagtutulungan upang matapos ang proyekto.
“’Yung tatlong comfort room ay itinayo sa area kung saan maraming household, ‘yung isa naman ay doon sa kabila. At least sa apat na CR na iyon ay marami nang makikinabang,” ayon kay Bb. Karen Andonga ng Office of the Municipal Mayor.

Ang proyekto ay naglalayong itaguyod ang kalinisan, kalusugan at proper waste disposal sa 35 kabahayan na mayroon ang naturang sitio.
“Habang nagi-implement kami ng ating livelihood program na chicken layering sa Candamia, nakita rin namin na kailangan din nila talaga ng sanitation since sila ay IP area and vulnerable nga ang kanilang situation doon. Pinag usapan namin, nag-community assembly kami roon at napagkasunduan na magpatayo ng mga CR,” ani Andonga.
Mula sa Gender and Development (GAD) – Support to IP Activities ang pondo na ginamit para sa pagpapatayo ng mga ito. Pormal na ipagkakaloob ang community toilet sa ika-16 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Ayon pa kay Andonga, masaya ang mga katutubong nakatira sa Sitio Candamia dahil sa mga proyektong ipinagkakaloob ng Pamahalaang Bayan para sa kanila. Bukod kasi rito ay naging benepisyaryo rin ang mga residente rito ng programang pangkabuhayan na chicken layering.
“Overwhelmed at masaya sila sa ginawang proyekto na ito ng Pamahalaang Bayan sa inisyatibo ni Mayor Amy Roa Alvarez. Kahit wala silang matatanggap, ang importante ay mayroon silang CR. Sobra silang masaya,” dagdag pa ni Andonga.