Upang mas mapaunlad pa ang kakayahan sa pamumuno ng mga kabataan sa Bgy. Alimanguan, sumailalim ang mga ito sa isang skills training na inorganisa ng Sangguniang Kabataan roon sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Ang Skills Training to Enhance Leadership Potential among Young Leaders and Professionals (STEP-UP) ay ginanap noong Setyembre 24 hanggang Setyembre 26 sa Eden’s Garden, Bgy. Alimanguan.

Ito ay dinaluhan ng nasa 40 kabataang miyembro ng mga organisasyon na may iba’t ibang adbokasiya tulad ng Alimanguan Sagip Pawikan, Alimanguan LGBTQ+, Alimanguan Skimmers, SIKAP Youth Organization, Kabataan Kontra Droga At Terorismo, at ng San Vic Surf.

Ayon kay Sangguniang Kabataan Chairperson Phil John T. Dordines, ang tatlong araw na pagsasanay ay idenisinyo upang makapagbigay kaalaman sa mga kabataan kung papaano maging isang epektibo at mahusay na lider ng kanilang mga organisasyon.

Nakapaloob sa naturang pagsasanay ang pagtalakay sa mga paksa tulad ng volunteerism, personality development, leadership training, fund raising strategies, financial management at prioritization.

“Ang purpose ng training na ito [ay] para mabigyan sila ng dagdag pang kaalaman tungkol [sa leadership] at saka para maramdaman din nila ang serbisyo ng SK, ng barangay, at lalo’t higit ng LGU na nasa likod nila at handang sumuporta sa mga pangangailangan ng kanilang organization para umunlad lalo sila,” pahayag ni SK Dordines.

Pagpapatuloy pa niya, napili nilang magsagawa ng ganitong pagsasanay dahil nakita nila ang kakulangan sa kaalaman ng kanilang mga kabataan pagdating sa pamumuno bagaman aktibo ang mga organisasyon na kinabibilangan ng mga ito sa pakikibahagi sa mga gawain pang-komunidad.

“Ito ang nakikita ko na may kakulangan pa sila noong mga panahon na binitawan namin sila sa ground. Nag-observe kami kung ano ba ang mga dapat naming ibigay sa kanila na kulang sa kanilang organization… Although, maganda ang takbo ng kanilang organization pero may mga bagay kami na nakita na kailangang punuan which is yung pagiging leader,” dagdag niya.

Pinasalamatan din niya ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez at ni Chief of Staff Carlo A. Buitizon upang maging matagumpay ang pagsasanay.

Ang pagpapaunlad sa sektor ng kabataan ang isa sa mga prayoridad na itinataguyod ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.