san-vicente-palawan-youth-of-sto-nino-with-mayor-amy-roa-alvarez

Maliban sa patok na destinasyon tulad ng Bato ni Ningning na dinarayo ng mga turista, nais ding maipakilala at ipagmalaki ng Barangay Sto. Niño ang talento, kasanayan at sining ng mga kabataan doon.

Ang Sto. Niño Developing Youth’s Skills, Arts and Talents o STN D.Y.S.A.T, isang organisasyong binubuo ng mga kabataan, ay itinatag noong Abril 4 na naglalayong paunlarin ang angking talento at kasanayan ng mga kabataan at mahikayat ang iba pa na maging isang produktibong indibidwal sa komunidad.
“Gusto po namin na ma-encourage ang mga kabataan na ipakita ang talent nila sa pagkanta, sa pagsayaw, sa arts at sa iba’t ibang larangan pa po,” kuwento ni Symon Cedrik A. Buranday, presidente ng organisasyon.

Plano ng nabuong organisasyon na magsagawa ng mga pagsasanay at seminar upang lalong mapagbuti at malinang ang mga kakayahang taglay ng mga kabataan sa kanilang barangay.

san-vicente-palawan-youth-of-sto-nino

“Mayroon po kaming accessory making, dance training, singing tapos balak din po naming mag-community service,” dagdag pa ni Buranday.
Sinisiguro rin nilang hindi makakasagabal sa pag-aaral ng mga bata ang pagiging miyembro ng organisasyon. Sa katunayan ay mayroon silang Training and Modular Learning Center – isang pasilidad na nagsisilbing lugar para sa pag-aaral at pagsagot ng mga modules ng mga bata. Maaari rin umanong tumungo rito kahit hindi pa miyembro ng organisasyon.
“We have another project that our captain suggested – learning and modular facility so the youth can study and do their modular activities inside learning facility,” ani Bb. Christine Charlotte T. Gebhardt, organization advisor.
“Modular facility is two times a week, Thursday and Friday, other than that there’s a schedule for dancing, singing and arts [in] different days. So, it’s equally scheduled,” paliwanag ni Bb. Gebhardt.

Malaki ang pasasalamat ng organisasyon kay Mayor Amy R. Alvarez na nagpaabot ng karagdagang materyales tulad ng yero upang magamit sa pagsasaayos ng naturang pasilidad.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 30 miyembro ang organisasyon. Bukas umano ito para sa mga interesadong kabataan na may edad 10 hanggang 25 na gustong makibahagi at mahubog pa ang kanilang mga kasanayan at talento.
Positibo ang grupo na sa mga susunod na taon ay magkakaroon sila ng entablado upang maipamalas ang kanilang talento hindi lamang sa kanilang barangay kundi maging sa buong San Vicente.
“Gusto namin hindi lang dito iikot ang talent ng mga kabataan ng Sto. Niño. Gusto rin namin ipakita sa ibang barangay within San Vicente,” sabi ni Buranday.