Matagumpay ang isinagawang Indigenous People Community Action Planning na ginanap sa Municipal Gymnasium, Bgy. Poblacion noong ika-14 hanggang ika-15 ng Hulyo, taong kasalukuyan.

Ang dalawang araw na aktibidad ay itinaguyod ng Committee on Indigenous and Cultural Communities sa pangunguna ni SB Reynaldo Rodriguez katuwang ang Barangay Indigenous People Mandatory Representatives at Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Dinaluhan ito ng mga pinuno at presidente ng iba’t ibang organisasyon ng mga katutubong Agutaynen at Cuyunon sa Bgy. New Agutaya at Bgy. Poblacion.

Layon ng community action planning na mabigyan ng mas malalim na pagkakaunawa ang mga miyembro ng IP community sa kasalukuyang kalagayan ng kinabibilangang komunidad at ang mga maaaring kadahilanan ng kahirapan sa mga barangay.

Sa naturang aktibidad ay binigyang pagkakataon ang mga partisipante na tukuyin ang mga problema at pangangailangan ng kanilang komunidad at ang mga posibleng solusyon sa mga ito. Kinilala rin nila ang mga programa at proyekto na kinakailangang agarang tugunan at mabigyang prayoridad.

Binigyang suporta naman ni Mayor Amy Roa Alvarez ang mga programa at proyekto na ipinresenta ng bawat grupo na tutugon sa kanilang mga pangangailangan sa komunidad.

Samantala, nakatakda ring isagawa ang community action planning sa Bgy. Kemdeng, Bgy. New Canipo at Binga.

###