san-vicente-palawan-rescue-vehicle-turn-over-to-bgy-caruray-2

Pormal na tinanggap ng Barangay Caruray ang inilaang rescue vehicle ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa ginanap na turn-over ceremony ngayong araw, Mayo 4.
Pinangunahan ni Mayor Amy R. Alvarez ang pagsasalin ng pangangalaga at paggamit ng naturang sasakyan kay Punong Barangay Lovicel Bonggat. Ang sasakyan ay pangunahing gagamitin sa pagtataguyod ng kaligtasan ng publiko, pagresponde sa mga sitwasyong emergency, sakuna at rescue operations.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Alvarez na nakita niya ang pangangailangan ng bawat barangay na magkaroon ng emergency response vehicle. Pinasalamatan niya ang Sangguniang Bayan sa pag-apruba ng budget upang makabili ng naturang mga sasakyan.
Inilahad din niya ang ilan pang mga programa na pagtutuunang pansin sa Bgy. Caruray. Kabilang sa mga ito ang paglalagay ng mini-water system sa Sitio Panamin, mga palikuran sa Candamia at ang tulong-pangkabuhayan kung saan ay naging benepisyaryo ang mga asosasyon ng Candamia, Panamin at Gawid.
“So anything na I can help para sa mga tao diri, slowly but surely… pero I will try to address ang mga needs ng mga tao diri,” wika ng Alkalde.

san-vicente-palawan-rescue-vehicle-turn-over-to-bgy-caruray-1

Lubos ang naging pasasalamat ng Punong Barangay sa tinanggap na rescue vehicle. Ayon sa kanya, matagal na nilang ninanais na magkaroon nito dahil na rin sa kalayuan ng pagamutan sa kanilang barangay.
“Ako po ay nagpapasalamat sa pangunguna ng ating mahal na Mayor na sa tagal ng panahon ay nagkaroon po ng kasagutan ang kahilingan ng ating mga mamamayan na kailangan po talaga ng isang rescue vehicle rito sa Caruray dahil napakalayo po talaga sa ospital,” ani Bonggat.
Dumalo sa turn-over ceremony ang ilang miyembro ng Sangguniang Bayan na kinabibilangan nina SB Maria Carmen L. Silagan, SB Ramir R. Pablico, Sr. at SB Antonio E. Rabina, Jr. Nasa gawain din sina Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Orlando C. Estoya.

“Sana… [ay] mapakinabangan itong programa at marami pang programang susunod, ang mahalaga po lamang ay magtulungan tayong lahat. Sa pagkakaisa, riyan po natin makakamtan ang isang makatotohanang pag-unlad ng bayan,” panghihikayat ni SB Rabina.
Ayon kay MDRRMO Estoya, responsibilidad ng barangay na panatilihing maayos, laging malinis at hindi nagagagamit sa personal na lakad ang sasakyan, base na rin sa nilagdaang usufruct agreement. Aniya, ang pagmimintina at pagpapanatiling nasa magandang kondisyon ang sasakyan ay nakaatang sa Pamahalaang Bayan samantalang bahagi ng responsibilidad ng barangay ang pangangailangan sa fuel ng sasakyan.