Idinaos ngayong araw, ika-10 ng Nobyembre, ang municipal orientation para sa implementasyon sa bayan ng San Vicente ng KALAHI-CIDSS NCDDP AF o Kapit-bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community-Driven Development Program Additional Financing.

Ang programang ito ay isa sa mga anti-poverty programs na itinataguyod ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na residente sa komunidad at maitaguyod ang pangkalahatang pag-unlad.

Sa isinagawang oryentasyon ay pormal na lumagda si Mayor Amy Roa Alvarez sa Memorandum of Agreement upang mapagtibay ang pakikipag-ugnayan sa DSWD.

“Through our strengthen partnership with the DSWD, we will empower communities by providing skills enhancement and capability building to target population. We will capacitate them to manage issues and concerns in their communities through grassroots participation in planning, budgeting, mobilization, implementation and resource management of their chosen projects to address poverty,” bahagi ng mensahe ng Alkalde.

Nagkakahalaga ng P18.8 Milyon ang kabuuang municipal fund sa ilalim ng additional financing kung saan napapaloob dito ang P3, 773, 500 na local counterpart contributions ng lokal na pamahalaang bayan.

Ang pondong ito ang gagamitin sa pagpapatupad ng mga proyekto sa siyam na nasasakupang barangay ng San Vicente.

Ang Barangay Kemdeng ay hindi napabilang sa programa bilang ito ay benepisyaryo na ng programa ng NTF-ELCAC.

Ayon kay G. Jerry A. Veneranda, itinalagang Area Coordinator ng DSWD para sa programa, pagkatapos nito ay bababa sila sa mga barangay upang magsagawa rin ng oryentasyon.

Susunod naman ang pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA).

“Magkokolekta tayo ng data para roon sa pagpa-facilitate natin ng PSA. ‘Yung paga-identify ng project dapat ay manggagaling sa PSA or participatory situational analysis na kung saan ang mga community members ay sila ang tutukoy ng mga problemang nararanasan o kung anumang mga suliranin at sila rin ang maga-identify ng solusyon na sa tingin nila ay pinakakailangan nilang proyekto para matugunan ang problema,” aniya.

Dumalo sa municipal orientation sina Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue, Municipal Social Welfare and Development Jennilyn Laro, Acting Chief of Police Victor J Paulino, mga punong barangay, hepe ng mga opisina ng Pamahalaang Bayan at mga miyembro ng binuong Area Coordinating Team (ACT) at Municipal Coordinating Team (MCT).

Pangungunahan naman ng ACT at MCT ang pagbuo ng mga asosasyon sa komunidad na sila namang mangunguna sa pagtukoy ng mga prayoridad na proyekto sa kanilang barangay at maging sa implementasyon at proseso nito.