Limang araw na isasara ang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa mga barangay at ang Himlayan San Vicente bilang pagtalima sa Executive Order No. 76, s2021 na inilabas ng Lokal na Pamahalaang bayan kaugnay ng Undas 2021.

Pansamantalang hindi muna papayagang tumungo sa mga sementeryo ang publiko upang bumisita sa mga yumaong mahal sa buhay simula ngayong araw, ika-29 ng Oktubre, hanggang sa ikalawang araw ng buwan ng Nobyembre upang maiwasan ang kumpulan na maaaring magdulot ng hawaan at nang lalong pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa munisipyo.

Ito ay bunga na rin ng naging pagpapasya ng MIATF matapos talakayin sa ginanap na virtual na pagpupulong kahapon, Oktubre 28, ang paggunita sa araw ng mga patay.

Inatasan na ang Philippine National Police at maging ang COVID Shield para sa mahigpit na pagpapatupad ng naturang panuntunan at upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa obserbasyon ng undas ngayong taon.

Hindi naman saklaw ng pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo ang mga naka-iskedyul na paglilibing. Immediate family lamang din ng namatay ang papayagang dumalo sa isasagawang libing.

Nakapaloob din sa advisory ng lokal na pamalaan na simula sa ika-3 hanggang ika-15 ng Nobyembre ay lilimitahan lamang sa 20 indibidwal ang papayagang pumasok sa mga sementeryo sa magkaparehong oras.

Samantala, kinakailangan ding sundin ang 30% maximum venue capacity ng mga sementeryo, memorial parks at columbaria sa ibang mga araw.

Dapat din na nasusunod ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield, physical distancing at ibang protocol patungkol sa COVID-19.

Ayon sa pag-uulat ng Municipal Health Officer sa MIATF, ay mayroong 167 aktibong kaso ng COVID-19 sa munisipyo.