san-vicente-palawan-joins-civil-registration-month

Magsasagawa ang Office of the Municipal Civil Registration (OMCR) ng isang araw na aktibidad kung saan libreng makakakuha ang kliyente ng certified true copy ng dokumento tulad ng birth certificate, marriage contract at death certificate.

Ang aktibidad na isasagawa sa ika-24 ng Pebrero ay bahagi ng pakikiisa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pagdiriwang ng 31st Civil Registration Month ngayong Pebrero na may temang “Strengthening Civil Registration and Vital Statistics’ Digital Information: The Ways to Manage the New Normal.”

“Ang certified true copy namin ay [nagkakahalaga ng] 100 pesos. So free na iyon, wala nang bayad. Magrerelease kami ng documents na free,” ani Bb. Lucille C. Laong ng OMCR.

Ang hakbangin ay nakalinya sa pagsusumikap ng Pamahalaang Bayan na mairehistro ang lahat ng mamamayan ng San Vicente bago ang taong 2024.

“Ang munisipyo ay nagta-target na sana by 2024 ay 100 percent na rin tayong documented. Pinanganak man dito sa San Vicente o outside San Vicente sana ay rehistrado at documented na siya,” saad ni Bb. Laong. Dagdag pa niya, nasa 20 hanggang 25 porsyento ng populasyon ng San Vicente ang hindi pa rehistrado.

Aniya, mahalaga na rehistrado ang bawat indibidwal dahil ang dokumento tulad ng sertipiko ng kapanganakan ay magagamit sa pag-aaral, paghahanap ng trabaho, pagkuha ng benepisyo sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan at iba pa.

May listahan na rin umano sila ng mga hindi pa nairerehistrong indibidwal. Ito ang pagtutuunang pansin ng mga itinalagang Barangay Network Officer (BNO) upang masiguro na maaabot ang naturang target.

Ilan pa sa mga aktibidad may kaugnayan sa Civil Registration Month ay ang Kasalang Bayan sa ika-16 ng Pebrero na isasagawa sa Municipal Gymnasium, Bgy. Poblacion at ang charity activity na isasagawa sa Bgy. Sto. Niño.

Ang mga kinakailangang dalhin para sa “delayed registration” ng kapanganakan ay alin mang dalawa sa mga sumusunod:

• Sertipiko ng binyag
• School Records (Form 137)
• Voters Affidavit
• Insular Policy
• Medical Records
• Municipal ID or any valid ID
• Sertipikasyon ng Punong Barangay
• Sertipiko ng kasal ng mga magulang (kung kasal)
• Negative Result mula sa Philippine Statistics Authority (PSA)
• Cedula ng Informant

Para naman sa kukuha ng death certificate (late registration), dalhin ang mga sumusunod.

• Barangay Certification
• PSA Negative Certification
• Affidavit of two disinterested person
• Cedula ng Informant

Para sa mga magpapakuha lamang ng dokumento, mangyaring magdala ng authorization letter, Identification Card (ID) ng nagmamay-ari ng dokumento at ng authorized person.

Pinaaalalahanan din ang mga makikibahagi sa aktibidad na magsuot ng face mask at isagawa ang social distancing bilang pagtalima sa health protocols kontra CoVid-19.