san-vicente-palawan-forest-fire

San Vicente, Palawan. Patuloy ang isinasagawang monitoring ng San Vicente Fire Station at ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Incident Command System (ICS) for Odette Operation sa nagaganap na forest fire sa isla ng Boayan sa barangay Poblacion.
Ayon sa istasyon ng Bureau of Fire Protection sa San Vicente, walang dapat na ipangamba ang mga residente roon dahil malayo ang nangyayaring sunog sa mahigit sa 100 kabahayan na matatagpuan sa Sitio Casoyan.

san-vicente-palawan-forest-fire

“Inakyat namin ang bundok, malayo po [ang apoy sa mga kabahayan]… Umakyat kami ng 7:35 ng umaga [kahapon], dalawang oras na lakad bago namin nakita ang usok,” ayon kay FO2 Johnmark A Javier, Shift B Supervisor.
“’Yung [apoy] sa Pulang Bato pawala na, pababa na siya sa may dagat. Sa direksyon kasi ng hangin possible na ang apoy ay baka tumawid papunta ng Daplac, hindi siya sa direksyon papunta sa kabahayan ng Sitio Casoyan,” paliwanag pa niya.
Gumawa na ng tatlong metrong breakline ang mga residente roon upang masiguro na hindi makaaabot o makatatawid ang sunog sa kanilang mga bahay.
Araw ng Lunes, Enero 10, nang makatanggap ng ulat ang fire station sa kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) patungkol sa nangyayaring forest fire roon.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy ang naging sanhi o pinagmulan ng forest fire. Ayon sa natanggap na ulat, nagsimula ang sunog sa kabundukang sakop ng Sitio Pulang Bato.
“Walang makuhang impormasyon sa mga residente kung ano ang naging sanhi ng sunog. Wala namang nakatira roon sa bundok kung saan nag originate ang sunog,” saad ni FO2 Javier.
Tinutupok ng naturang forest fire ang mga nalagas na dahon at mga punong natumba sa kabundukan ng isla ng Boayan dulot ng malakas na paghagupit ng bagyong Odette noong nagdaang buwan.
Hindi pa rin matiyak ang lawak ng nasusunog na bahagi ng kagubatan.
Noong Disyembre 31, 2021, sumiklab naman ang grass fire sa Bgy. Port Barton.
Hinihikayat ng San Vicente Fire Station ang mga residente na iwasan ang pagsusunog at maging responsible sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa kagubatan.